Hindi na rin ligtas kahit natutulog sa sariling pamamahay katulad ng nangyari sa isang ama ng tahanan na mahimbing na natutulog subalit may kumatok at kahit hindi pinagbuksan ay puwersahang pumasok ang mga hindi kilalang armadong suspek at pinagbabaril ang biktima sa Brgy. Payatas A, kahapon ng madaling-araw.
Sa report kay QCPD Director Chief/Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, nakilala ang biktima na si Arturo Patiño y Ortiz, 50, naninirahan sa No. 122 Ilang-Ilang St., Area A, ng nasabing barangay.
Nangyari ang krimen alas-2:40 ng madaling-araw natutulog ang pamilya Patiño nang magising ang mga ito sa malalakas na katok sa pinto.
Hindi umano pinagbuksan ang mga kumakatok kaya puwersahang binuksan ng mga suspek ang pinto at ilang sandali pa ay nakarinig na lang sila ng sunud-sunod na putok ng baril kung saan naroon ang kanilang ama.