Niratrat ng riding-in-tandem ang isang negosyante sa loob ng kanyang sasakyan kamakalawa ng gabi sa Marikina City.
Dead-on-the-spot sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa ulo at katawan ang biktimang si Godofredo Espiritu, 47, may-ari ng isang tindahan ng sapatos at residente ng St. Benedict Subdivision, Barangay Nangka ng nabatid na lungsod.
Hindi naman ginalaw ng mga suspek ang asawa at 3-anyos na anak ng biktima na kasama nito sa kotse at nakaupo sa likuran.
Sa ulat ng Marikina PNP, naganap ang insidente pasado alas-nuwebe ng gabi sa harapan ng bahay ng pamilya Espiritu.
Kakadating umano ng pamilya sa bahay at kakaparada ng sasakyan ng biktima nang lapitan ito ng riding-in-tandem na nakamotorsiklo at pagbabarilin ang padre de pamilya na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Mabilis naman ang ginawang pagtakas ng mga suspek nang masigurong wala ng buhay ang kanilang target.
Sa ngayon ay inaalam pa ng pulisya ang motibo ng pamamaslang at ang pagkakakilanlan ng mga suspek.