KUALA LUMPUR — Humihikbi si Amaya Paz-Cojuangco sa isang sulok ng Philippine tent pagkatapos ng 29th Southeast Asian Games compound archery competitions nitong Biyernes.

Dismayado ang two-time SEAG champion dahil sa unang pagkakataon sa apat na outings, ngayon lang siya hindi makakapag-uwi ng anumang kulay ng medalya.

Sa Singapore noong 2015, nag-malfunction ang bow niya sa final at nagkasya sa silver.

Hindi siya nakabawi sa Malaysia, bokya pa. Hindi nga siya nakalagpas sa first round ng women’s individual compound event.

Huling tsansa niya sa mixed team compound, pero inalat din sila ng partner niyang si Paul Marton dela Cruz. Seeded first pa sila pagkatapos ng eliminations, pero natablahan nina Burmese archers Aung Ngean at Ye Min Swe, 154-154, sa semis.

Sa shoot-off, tig-isang arrow ang salitang pakakawalan ng pares, pagsasamahin ang tally para malaman ang winner. Tumira pareho ng 8 sina Cojuangco at Aung, parehong 10 din sina dela Cruz at Ye. Kaya lang, mas malapit sa bulls-eye ang arrow ni Ye kaya ang Burmese pair ang umabante sa gold medal match.

Sa battle for bronze, nasilat sina Paz-Cojuangco at dela Cruz sa Vietnamese pair nina Chau Kieu Oanh at Tieng Cuong Nguyen, 159-156.

“Walang storya kasi natalo, sorry po,” sambit ni Paz-Cojuangco.

Nangiti lang siya nang mabanggit sa kanya na ang next SEA Games ay sa Pilipinas sa 2019.

“Wait ‘till we come back to Manila,” paniniguro ni Paz-Cojuangco.