Umapela si Davao City Rep. Karlo Nograles sa mga kapwa kongresista nito na mag-ambag-ambag silang mambabatas bilang pinansyal na tulong sa mga biktima ng Davao bombing.

Sa kanyang privileg­e speech sa Kamara, sinabi ni Nograles na bagama’t sinagot na ng lokal na pamahalaan ang gastu­sing medikal at iba pang pangangailangan ng mga biktima ay nanga­ngailamgan pa rin ng ayuda ang mga biktima.

Sa inihaing House Bill No. 302 hinimok ni Nograles ang bawat mambabatas na mag-ambag ng P5,000 bawat isa na kakaltasin naman sa sahod nga kongresista para ma­kabuo mg assistance fund.

Nakapaloob din sa resolusyon ang paghikayat sa Kongreso na bumuo ng legislative actions para palakasin pa ang kakayahan ng komunidad na labanan ang lawlessness at terrorism.

Aniya,ang nangyari sa Davao ay paalala na sinuman ay maaaring maging biktima ng lawless elements kaya naman dapat umanong labanan ng bawat isa ang takot at magkaisa para labanan ang lahat ng uri ng kriminalidad.

Aniya, tungkulin ng bawat isa na tumugon sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa idineklarang state of lawless violence.

Samantala, siniguro naman ni Department of Health (DOH) Secretary Paulyn Ubial na sapat ang lahat ng kinakailangang ayuda para sa mga biktima sa nangyaring malagim na pagsabog sa night market sa Davao City.

Ayon kay Ubial, mahigit dalawang dosena sa mga nabiktima ay kasalukuyang nasa pagamutan na pinangangasiwaan ng DOH sa Davao City.

Batay aniya sa ulat ng hospital chief mayroon ding sapat na blood supply at sapat na human resour­ces gaya ng surgeons at specialists para ayudahan ang mga pasyente na nasa pangangalaga ng government hospitals, gayundin sa private hospitals.

“So they have not gi­ven the number of criti­cally ill patients, but we’re hoping that the 55 that are hospitalized now will actually survive. Right now, wala naman ho silang hinihingi na additional. Blood supply, drugs and medi­cines, human resources are adequate,” dagdag ng kalihim.