Inaasahang magla-landfall sa Bicol Region sa pagitan ng hapon ng May 14, Huwebes, at umaga ng May 15, Biyernes, ang tropical depression ‘Ambo’ ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
Ayon kay Pagasa weather forecaster Aldczar Aurelio bago mag-landfall, magiging tropical storm si Ambo, na nangangahulugan na lalakas pa umano ito.
Posibleng itaas ang Signal No. 1 sa ilang bahagi ng Eastern Visayas bukas ngayong Martes. Mararamdaman naman ang epekto ng bagyo sa Huwebes sa Eastern Visayas at Bicol Region.
Inaasahan din ang pag-ulan at bugso ng hangin sa Metro Manila sa Huwebes ng gabi.
Makararanas ng moderate to isolated heavy rain ang Caraga at Davao region sa loob ng 24 oras.
Lunes alas-tres ng hapon, huling namataan ang bagyong 340 kilometro silangan ng Hinatuan, Surigao Del Sur. May taglay itong hanging kumikilos ng 55 kph, at pagbugsong 70 kph. (Dolly Cabreza)