Blangko pa rin ang Mandaluyong Police kaugnay sa naganap na pamamaril sa kahabaan ng EDSA na ikinasawi ng dalawa noong Linggo ng hapon.
Patuloy pa rin sa pagsasagawa ng imbestigasyon ang Mandaluyong Police kasabay ng pagtatatag ng Special Investigation Task Group (SITG) ng Eastern Police District (EPD) kaugnay sa pagpatay sa isang negosyante at driver nito at ikinasugat ng isang babaeng kasakay nila sa Toyota Hiace na may plakang NOA 361 sa Reliance St., EDSA, Mandaluyong City.
Kinilala ni SSupt. Moises Villaceran, hepe ng Mandaluyong Police, ang negosyante na si Jose Luis Yulo, 62-anyos, taga-Alabang, Muntinlupa City at driver nito na si Allan Nomer Santos, 51-anyos. Sugatan naman ang kasamahan nitong si Esmeralda Ignacio, 38-anyos, na naka-confine pa sa VRP Medical Center sa Mandaluyong City.
Sa report, lulan ng hindi naplakahang motorsiklo ang mga suspek at malapitang pinaulanan ng bala ang sasakyan ng mga biktima ng riding-in-tandem, na mahigpit na ipinagbabawal sa Mandaluyong.
Nabatid na galing sa Clark, Pampanga ang mga biktima at pauwi na sa Alabang, Muntinlupa City nang tambangan ng riding-in-tandem.
Inaalam pa ng pulisya ang anggulong may kaugnayan ang biktima sa kasong isinampang grave threat at ang pagkakadawit nito sa tumalbog na tseke kung saan damay umano si Yulo.
Todo tanggi naman si Villaceran sa isyu kaugnay sa pagkakadawit kay Yulo sa kasong grave threat habang nasa ilalim pa raw sila ng imbestigasyon at wala pa silang nakukuhang lead hanggang sa ngayon.