Nagtatag na kahapon ng Special Investigation Task Group (SITG) ang Eastern Police District (EPD) matapos ang naganap na shooting incident sa EDSA Mandaluyong kung saan napatay ang negosyanteng si Jose Luis Yulo, drayber nito at ikinasugat din ng isa pang babae na kasama nito matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem na nakamotorsiklo kamakalawa.
Ayon kay Eastern Police District (EPD) Director Chief Supt. Bernabe Balba, siya ang mismong mamumuno sa binuong SITG Yulo sa madugong pamamaril na ikinasawi ni Yulo, 62, taga-Ayala, Alabang Village, Muntinlupa City, drayber nitong si Allan Nomer Santos, 55 at flight operation staff Esmeralda Ignacio, 38, na patuloy na inoobserbahan sa pagamutan matapos ang madugong pamamaril mula sa hindi pa kilalang riding-in-tandem sa EDSA sakop ng Brgy. highway hills partikular sa harapan ng Victor R. Potenciano Hospital dakong alas-3:30 nang hapon kamakalawa.
Parehong dead on arrival sa nasabing ospital sina Yulo at Santos matapos magtamo ng mga bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang inoobserbahan pa rin sa nasabing pagamutan si Ignacio.
Ayon kay Balba, 12 basyong bala mula sa hindi pa batid na kalibre ng baril ang nakuha sa crime scene habang ilang mga deformed slug din ang nakuha ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng EPD sa pinangyarihan ng krimen.
Sa ngayon, ayon kay Balba ay patuloy pa rin ang paghahanap nila ng ebidensya katulad ng mga CCTV footage at mga saksi sa naganap na pamamaril upang makatulong sa paglutas ng kaso.