RIO DE JANEIRO (AP) — Plano ng tatlong American Olympic swimmers na humarap sa mga awtoridad sa Brazil para pag-usapan ang robbery na tumarget umano kay 12-time medalist Ryan Lochte at kanyang teammates.

Ayon kay US Olympic Committee spokesperson Patrick Sandusky, ni-release ng local authorities sina Jack Conger at Gunnar Bentz matapos pababain sa kanilang flight sa Rio de Janeiro airport.

Balak din ng teammate nilang si Jimmy Feigen na humarap sa mga awtoridad habang inaayos ang order ng judge na manatili siya sa Brazil. Base rin sa order, kukumpiskahin ang passport ni Lochte pero nakabalik na ang star swimmer sa US bago naipatupad ng mga awtoridad ang desisyon ng judge.

Hindi umano makakaalis ng Brazil sina Conger at Bentz hangga’t hindi nakakapagbigay ng testimonya ang mga ito sa mga imbestigador.

Unang sinabi ni Lochte na kasama niya sina Conger, Bentz at Jimmy Feigen sa isang taxi nang tutukan ng baril ng ilang kalalakihang may police badge. Pabalik na noon ang grupo sa Athletes’ Village mula sa isang party ilang oras matapos ang final Olympic swimming events.

Pero naiba ang statement ni Lochte hinggil sa robbery. Sinasabi na daw niyang hindi pinara ng mga kalalakihang may badge ang taxi, kundi pinagnakawan sila pagtigil sa isang gasolinahan. Sinabi rin daw ni Lochte na tinutukan siya ng baril, hindi idinikit sa ulo.