Isinilid muna sa garbage bag at saka inilagay sa isang malaking kahon ang bangkay ng isang babaeng dayuhan bago itinapon ng kanyang nobyo at isa pang dayuhan kahapon nang madaling-araw sa Pasig river, Baseco Compound Port Area, Maynila.

Sa inisyal na report ni Manila Police District (MPD) Director PSSupt. Vicente Danao Jr., nakilala ang babaeng biktima sa pamamagitan ng kanyang identification card na si Tomi Michelle Masters, isang US citizen, 23, tubong Indiana ,USA at nanunuluyan sa Room unit 11 14th floor Avida Tower One Edsa cor. Re­liance St., Brgy Highway Hills, Mandaluyong City.

Arestado naman sa follow-up operation ang mga suspek na sina Troy Woody Jr., 21, American National, CEO NH Luxr Limited Liability Company at nanunuluyan sa Unit 1411 14th Floor Tower 1 Avida Towers Edsa cor Reliance St., Brgy. Highway Hills, Mandaluyong City; at Mir Islam, 22, American national, CEO ng Luxr Limited Liability Company at nanunuluyan sa Unit 1610 16th Floor Manila Residences Bocobo Condominium, 1160 J. Bocobo St., Ermita, Maynila.

Bago ang pagkakasagip sa bangkay ng biktima, nabatid na isang Grab driver na si John Kenneth Quimba y Tan, ang nag-report sa Manila Police District-Police Station 5 kaugnay sa dalawang lalaking dayuhan na kanyang pasahero na nagtapon ng malaking kahon sa Pasig river sakop ng Baseco Compound, Port Area, dakong alas-2:00 nang madaling-araw.

Ayon sa grab driver, nagpa-book umano sa kanya ang dalawang dayuhan mula sa Avida Towers sa Mandaluyong City pupuntang Robinsons Place Manila.

Nabatid na pinick -up umano niya ang dala­wang suspek sa 4th floor ng Tower 1 ng Avida Towers dala ang malaking kahon dakong ala-1:53 ng madaling araw.

Sa biyahe ay ni-request umano ng dalawang suspek na bago sila ihatid sa Robinsons ay idaan muna sila sa Baseco.
Sa Baseco ay itinapon nila ang kahon sa Pasig river bago nagpahatid na sa Robinson Manila.

Dahil sa masamang kutob ay dumiretso ang grab driver sa MPD -PS 5 at ini-report ang nangyari dahilan para rumesponde sa lugar ang pulisya at sinagip ang kahon.

Nang buksan, dito na makumpirma na bangkay ng dayuhang babae ang nasa loob.

Kaagad namang nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya sa Avida Tower 1 at naaresto ang isa sa suspek, na nadiskubreng nobyo ng biktima.

Binitbit sa kustodiya ng MPD -PS5 ang mga suspek habang pinaalam na sa US Embassy ang krimen. Gayunman itinurn over ng MPD sa Eastern Police District, Mandaluyong City Police Station ang dalawa para sa kaukulang imbestigasyon ni SPO2 Jamar Sabre of Criminal Investigation Unit dahil ang pangyayari ay naganap sa kanilang hurisdiksyon. (Juliet de Loza-Cudia)