Mina Aquno/Vick Aquino

Walang kawala sa Bureau of Immigration ang isang Amerikano na nagtangkang pumasok sa bansa gamit ang pekeng pasaporte ng Pilipinas.

Nahuli noong Sabado ang dayuhan na kinilalang si Elmer Doller, 49, nang dumating sa Ninoy Aquino International Airport sakay ng Qatar Airways flight mula sa Doha.

Agad na nabuking ng mga immigration officer (IO) na peke ang pasaporte ni Doller nang hindi makita ang security feature nito.

Hindi umano agad umanin ang dayuhan at iginiit na totoo ang kanyang pasaporte dahil Pilipina umano ang ina nito, gayunman umamin din ito kalaunan na nakuha niya ang Philippine passport na ginamit nito mula sa isang kaibigan sa Cavite.

Dahil dito, dinala sa kostudiya ng Bicutan dentention center ang nagpanggap na dayuhan dahil sa paglabag sa immigration law.

Samantala, dinakip din ng BI sa NAIA terminal 1 noong Sabado ang isang pasaherong Pinoy na nagtangkang umalis sa bansa papuntang Spain na may pekeng Schengen visa.

Nagduda ang IO sa pasahero nang sabihin ng huli na siya ay nagbakasyon sa Barcelona sa loob ng 11 araw, bagaman ang return ticket at hotel booking na ipinakita nito ay para sa tatlong araw lamang.

Dinala sa Inter-Agency Council Against Trafficking ang nasabing Pinoy para sa imbestigasyon.