Amerikano natagpuang patay sa BI detention cell

Hubo’t hubad at wala ng buhay nang matagpuan ang isang American national na isang detainee sa loob ng isolation room ng Bureau of Immigration (BI) sa compound ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City kamakalawa.

Sa ngayon ay patuloy na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang Taguig City Police sa pagkakatagpo sa labi ng dayuhan na si William Mark St Cyr, 55, binata, ng New Hamphire, USA.

Sa report sa tanggapan ng Southern Police District (SPD), napag-alaman ng food server na si Loreto Abacia, 48, binata, dakong alas-7:35 ng umaga nang matagpuan niya ang naturang dayuhan na hubo’t hubad, nakaluhod, nakasubsob sa sahig ang mukha at wala ng buhay sa loob ng isolation room ng custodial facility ng BI.

Sa ngayon ay hindi pa mabatid ng mga awtoridad ang pagkamatay ng dayuhan at ito ay isasai­lalim sa awtopsiya upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay nito.

Hindi naman nagbigay ng anumang pahayag ang mga tauhan ng BI hinggil dito kung bakit nasa isolation room ang dayuhan at ang naging dahilan ng kamatayan nito.