Basag ang bungo ng isang American national matapos umano itong tumalon mula sa ikaapat na palapag na tinitirhan nitong condominium sa Taguig City kahapon nang madaling-araw.

Kinilala ang biktimang si Charles Douglas Scott na agad na nasawi sanhi ng matinding pinsala sa katawan.

Sa report sa Southern Police District (SPD), naganap ang insidente alas-2:20 nang madaling-araw sa tinitirhan nitong condo unit sa Sapphire Building, Rosewood Pointe, Acacia Estates, Brgy. Ususan, Taguig City.

Nagpakamatay umano ang biktima sa pamamagitan ng pagtalon nito mula sa ikaapat na palapag ng naturang condo hanggang sa bumagsak ito sa basement na siya niyang ikinamatay.

Sa ngayon ay iniimbestigahan pa ng Taguig City Police ang insidente at inaalam pa ang sanhi nang pagpapatiwakal ng biktima. (Armida Rico/Shiela Marie Paderan)