Lumapit sa mailap na gold sina cue artists Cheska Centeno at Rubilen Amit nang gumapang sa semifinals ng women’s 9-ball singles event ng 29th Southeast Asian Games billiards competitions sa KL Convention Center kahapon.
Hindi pa malayong magkaroon ng all-Pinay showdown sa final kapag naipagpag ng dalawa ang mga katapat sa last 4.
Nakakuha ng bye sa first round si Centeno dahil sa gold medal finish niya sa nakaraang SEAG sa Singapore, bago kinalos si Angeli Ticoalu ng Indonesia 7-4 para mag-martsa sa semis.
Dinomina naman ni two-time world 10-ball champion Amit si Silviana Lu ng Indonesia 7-3.
“Gagawin namin ang lahat para makuha ulit ang gold at silver medal para sa Pilipinas,” giit ni Centeno.
Tanging bronze pa lang ang kinakaya ng star-studded billiards at snookers squad, mula kina Dennis Orcollo at Warren Kiamco sa doubles event. Naka-tatlong gold sila noon sa Singapore.
Sa men’s round of 8 sa Malaysia, abante rin sa next round si Carlo Biado sa bisa ng 9-3 panalo kay Amnuayporn Chotipong ng Thailand.
Sibak sina Francisco dela Cruz sa men’s English singles at Jeffrey Roda sa quarters ng men’s snookers singles.