Isang resolusyon na naglalayong bigyan ng general, unconditional at omnibus amnesty ang mga political prisoners ang isinusulong ng Makabayan Bloc sa Kongreso.
Sa House Resolution 198 na isinusulong ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate hiniling nito kay Pangulong Rodrigo Duterte na igawad ang kanyang amnesty power na ginagarantiyahan ng Konstitusyon sa may 519 political prisoners.
Ayon sa mambabatas, sa 519 political prisoners na nakapiit ngayon ay 42 sa mga ito ay kababaihan, 125 ang may mga karamdaman na, 40 ang pawang mga senior citizens, 9 ang mag-asawa habang 129 ang nakakulong sa loob na ng mahigit 10 taon.
Kabilang sa mga lumagda sa resolusyon ay sina ACT Teachers Party-list Reps. Antonio Tinio at France Castro; Gabriela Women’s Party-list Reps. Emmi de Jesus at Arlene Brosas; Rep. Ariel Casilao ng Anakpawis Party-list at Kabataan Party-list Rep. Sarah Jane Elago.