Amo ninakawan ng kasambahay; BF kasabwat

Nahaharap sa kasong qua­lified theft ang isang kasambahay at kasabwat na lover matapos pagnakawan ang amo ng mahigit P150,000, Martes ng umaga sa Barangay Santolan, Pasig City.

Sa nakalap na report sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD), nakilala ang suspek na sina Mary Jane Roque y Go alyas Jopay, 45-anyos, house helper at ka-live in/boyfriend na si Gerald Padronia y Raymundo, 36, kapwa taga-Molave St., Dona Agapito Subd. Brgy. Santolan.

Inaresto ang mga suspek bandang alas-11:00 Martes ng umaga sa Brgy. Santolan matapos pagnakawan ng babae ang kanyang amo, kasabwat ang kanyang boyfriend at kunin ang P150.000.00 na nakasilid sa kabinet.

Nang malaman ng hindi na pinangalanang amo na nawawala ang kanyang pera, agad itong nagreklamo sa Brgy. Rosario Security Force at agad na
isinagawa ang manhunt operation na ikinaaresto ng mga suspek kung saan umamin naman sa ginawang pagnanakaw at sinabing ginamit ang perang
pambili ng mga appliances­ at grocery. Naisoli naman­ sa amo ang natitirang P68,000.00.

Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa Pasig detention cell. (Vick Aquino)