Patay ang isang lalaki nang barilin ng mga rumespondeng pulis matapos itong manghabol ng saksak sa mga taong nakakasalubong niya at sa mga awtoridad na aaresto sana sa kanya kahapon ng umaga sa Makati City.
Dalawang tama ng bala sa katawan ang ikinamatay ng hindi pa nakikilalang lalaki na nasa 30-35 taong gulang, nakasuot ng asul na t-shirt, maong pants at rubber shoes na kulay asul.
Ayon kay Inspector Jay-R Fajardo, hepe ng Police Community Precinct 3, itinawag sa kanila ang panghahabol ng saksak ng naturang lalaki na armado ng ice pick sa panulukan ng Bolivia at Batangas Street kaya rumesponde ang mga pulis.
Pinakiusapan pa ng mga pulis ang lalaki pero maging sila ay tinangkang sugurin ng saksak kung kaya’t napilitan nang barilin ito.
Bago ang insidente ay nakita pa umano ito na may kausap sa cellphone, tapos biglang ibinato ang gadget at inumpog ang kanyang ulo sa pader. Kasunod nito ay nanghabol na ng saksak sa mga taong kanyang nakakasalubong.