Amyenda sa Bank Secrecy Law

Isinusulong ngayon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pag-amyenda sa umiiral na Bank Secrecy Law.

Puntirya ng itinutulak na pagbabago sa Bank Secrecy Law ay ang mga tauhan at opisyal ng gobyerno.

Sa ilalim ng inihaing House Bill 31355 ni Magdalo Rep. Gary Alejano, ipinaalis na maging saklaw ng Bank Secrecy Law ang mga halal at itinalagang opisyal ng gobyerno.

Kabilang sa mga ito ay ang mga sundalo, pulis, mga opisyal at kawani ng iba’t ibang government owned and controlled corporations (GOCCs).

Ang rekomendasyon ay bunsod ng nangyayaring palitan ng bintang nina Pangulong Rodrigo Duterte at Sen. Antonio Trillanes IV kaugnay sa umano’y mga tagong bank deposits.

Nakikita ng solon na sa pamamagitan ng nasabing amyenda ay madali nang masisilip ang deposito ng mga nasa gobyerno lalo pa kapag may issue ng katiwalian.

Napapanahon na talaga ang pag-amyenda sa Bank Secrecy Law upang makatulong sa paglabas ng katotohanan sa mga usapin ng katiwalian.

Masyado nang nagaga­mit ang batas na ito kaya­ maraming opisyal ng gobyerno na nasasangkot­ sa katiwalian ang hindi napapanagot sa kanilang kalokohan.

Kaya sana ay mabigyang prayoridad ang pag-amyenda sa batas na ito upang hindi magamit ng mga government officials ang batas na ito para ikubli ang kanilang mga tagong yaman o pagkakaroon ng kwestiyonableng mga ari-arian.

Magandang hakbangin din ito upang sa gayon ay malinis agad ang mga opisyal at tauhan ng gobyerno na basta na lamang ina­akusahan nang walang sapat na pruweba.