Anak ayaw sustentuhan

Dear Atty. Claire,

Good day po Atty Claire, nabasa ko po sa internet itong article ninyo kaya po gusto ko po itanong ang karapatan ng anak ko bilang ako ay single mom.

Nang­yari po kasi ay buntis pa lamang ako ay mag-isa na po ako nagtataguyod sa anak ko sa tulong ng ate ko po (nu’ng dalaga pa po siya). Natustusan ko po naman mga needs ko mula sa pagbubuntis hanggang sa manganak po ako nang hindi tumutulong ang ama. Now ay mag 7 years old na po siya at wala pa rin pong sustento ka­ming natatanggap. Si­guro dahil po nakikita nila nagtitinda po ako ng lugaw at sandwiches. Ngayon po ang tanong ko karapatan po ba ng anak ko na pag-aralin siya or sustentuhan po siya sa pag-aaral niya? Grade 2 na po syia pagpasok. Actually I tried na ipasok siya sa public pero na-bully at nawalan ng interes ang anak ko po sa pag-aaral. Ayaw na po niya doon sa school kaya po gusto ko na i-private school siya hanggang grade 6 pero ‘di ko naman po kaya hihingi sana ako ng tulong sa side ng ama niya. Nangyayri po kasi na parang wala po silang kusa. ‘Yun lang po ang gusto ko pong malaman kung responsibilidad din po ba nila tulungan ako sa education ng bata. Maraming salamat po at pasensya na po kayo ang haba po ng sulat ko.

Thank you po Atty at God bless.
Shane

Ms. Shane,

Nais ko lang malaman kung na-recognize ba ng ama na anak niya ang anak mo. Ayon sa iyo ay ikaw na ang nagtaguyod ng pagbubuntis hanggang sa mga oras na ito kaya nais kong malaman kung may pagkaka­taon ba na tinanggap ng boyfriend mo ang bata dahil hindi kaagad tayo makakahingi ng suporta sa ama kung sakaling itanggi niya ang relasyon sa bata. Dahil kakailanganin mo pang patunayan na siya nga ang ama.

Ngunit kung may mga ebidensya naman na tinanggap niya ang bata bilang kanya ay may karapatan ang bata na makahingi ng sustento sa kanyang ama. Kahit pa hindi kayo kasal ay obligasyon ng mga magulang na sustentuhan ang pangangailangan ng bata habang ito ay menor de edad at hanggang sa makapagtapos ng pag-aaral.

Kung sakaling ayaw sustentuhan ng ama o kulang ang ibi­nibigay na sustento nito ay maaari mong hingin ang sustento mula sa mga magulang ng boyfriend mo upang itaguyod ang panga­ngailangan ng anak mo. Sa kasong Sps. Lim v.
Lim, Gr, No 1623209, October 30, 2009 ay sinabi ng Supreme Court na ang mga lolo at lola sa parehong panig ng nanay at tatay ng bata ay maaaring obligahin na magsuporta sa apo kung ang magulang ay hindi nagsusuporta o kulang ang suporta.

Sana ay nakatulong ako. Salamat.