Anak binugbog sa nabasag na cellphone

Kalaboso ang isang ama matapos ibalibag ang kanyang anak na nabalian ng buto sa iba’t ibang bahagi ng katawan dahil lamang sa nabasag ng biktima ang screen protector ng cellphone ng kanyang ama, sa Barangay Bata, Santiago City, Isabela noong Biyernes.

Sadyang itinago na lang ng Santiago City Police Station sa pangalang ‘Rey’ ang 42-anyos na suspek para mapangalagaan ang pagkakakilanlan ng menor de edad pang biktima na 11 taong gulang.

Sa inisyal na imbestigasyon, matutulog na sana ang biktima kasama ang kanyang mga kapatid nang dumating ang kanilang ama at hinanap ang cellphone nito.

Ayon sa pulisya, dahil sa bahagyang nabasag ang screen protector ay nagalit ang ama na naging sanhi para bugbugin at pagsisipain sa ulo at mata ang biktima.

Hindi pa nakuntento at inun­tog pa ng ama ang ulo ng bata bago tuluyang binalibag sa kanilang kama.

Dinala sa Southern Isabela Medical Center ang biktima na nagtamo ng mga galos at bali sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Nakakulong ngayon ang suspek sa Santiago City Police Station dahil sa kasong paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004. (Allan Bergonia)