Sa halip na isuko at ipakulong, hinarang pa ng isang ina ang mga aarestong pulis sa kanyang anak na naaktuhang nagsa-shabu session kasama ang dalawa nitong kaibigan sa Cubao, Quezon City, kahapon nang madaling-araw.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Cubao Police Station (CPS-7) commander P/Supt Giovanni Hycenth Caliao, dakong alas-2:30 nang madaling-araw (Disyembre 9) nang magsagawa ng ‘Oplan Galugad’ ang kanyang mga pulis sa No. 59 Mecca Alley malapit sa kanto ng Banahaw St., Brgy. San Martin de Porres.
Naispatan umano ng mga awtoridad sina Pijie Naldoza, 26-anyos; Marvin Manansala at Arian Calara, pawang mga residente ng Brgy. San Martin de Porres na aktong nagdodroga.
Agad na sinalakay ng mga awtoridad ang mga suspek subalit dahil sa kalabugan at ingay ay nagising ang ina ni Manansala na nakilalang si Aling Alicia.
Nang makita ni Aling Alicia ang mga pulis at dadamputin ang anak niyang si Manansala ay hinarang umano nito ang mga awtoridad at pinigilan.
Nagawang makatakas ng tatlo subalit nahuli rin sina Manansala at Naldoza habang tuluyang nakapagtago si Calara.
Nakumpiska sa mga suspek ang 1 sachet ng shabu, 1 sachet na wala nang laman ng shabu, drug paraphernalia at cellphone.