Dahil sa pag-aakalang hindi niya anak matapos sabihing hindi niya ito kamukha ay pinatay ng isang 30-anyos na ama ang 9-anyos nitong supling na babae matapos nitong takpan ng unan ang mukha nito habang natutulog kamakalawa ng madaling-araw sa Barangay Agusipan, Badiangan, Iloilo.
Naaresto naman ang suspek na sadyang hindi pinangalanan ng pulisya matapos na mabalahaw ang motorsiklo nito sa harapan mismo ng presinto.
Ayon kay Sr. Insp. John Paul Guay, hepe ng Badiangan Municipal Police Station (MPS), sa loob ng presinto ay inamin nito na napatay niya ang kanyang sariling anak mag-aalas-dos ng madaling-araw kamakalawa.
Paliwanag ng suspek, nabuyo umano siya ng mga kabarkada at naghinala na hindi niya anak ang bata dahil kamukhang-kamukha ito ng kanyang nanay at wala man lang umanong nakuha sa kanyang itsura.
Ang nanay ng bata ay tatlong taon nang nagtatrabaho sa ibang bansa bilang isang overseas Filipino worker (OFW).
Ayon sa tiyahin ng biktima, alas-dos ng madaling-araw nang magising siya nang marinig ang pagtunog ng makina ng motorsiklo ng suspek at nang kanyang silipin ang biktima ay wala na itong buhay sa kanyang higaan at nakatabon ang unan sa mukha nito.
Ayon sa pulisya, posibleng nagkaroon ng depresyon ang suspek dahil sa matagal na pagkakawalay sa kanyang asawa. At nang magatungan pa ito ng mga panunukso ng mga kaibigan na hindi niya kamukha ang anak ay kanya itong pinatay.
Samantala, desidido naman ang pamilya ng nanay ng biktima na panagutin ang suspek sa krimen na nakapiit ngayon sa Badiangan-MPS.