Anak na may sakit patay sa palo ni itay

Patay ang isang 5-anyos na babae nang hindi nakayanan ng mura nitong katawan ang mga palo ng kanyang ama nang tumaggi itong kumain sa Trece Martires City, Cavite.

Hindi na umabot nang buhay sa Gen. Emilio Aguinaldo Hospital ang biktimang si Leslie, isang kindergarden student.

Inaresto naman ang kanyang amang si Judilou, 25, isang helper mechanic, taga-Cavite.

Sa ulat ni PMSgt Richard Chavez, ng Trece Martires Police Station, limang araw nang hindi pumapasok sa kanilang eskuwelahan ang biktima dahil nilalagnat at hindi rin umano ito nakakakain.

Pero dakong alas-10:00, Lunes nang umaga ay pinilit umano ito ng kanyang ama na kumain.

Nang magsuka ay lalong nagalit ang kanyang ama. Pinagpapalo nito hanggang sa namutla ang anak. Agad naman itong isinugod ng kanyang ina sa ospital subalit idineklara itong dead on arrival.

Hawak ngayon ng pulisya ang ama ng bata at nahaharap sa kasong parricide. (Gene Adsuara)