By Dolly Cabreza

Nagbuwis-buhay ang isang ama makaraang itaya nito ang sarili maipagtanggol lamang ang napaaway nitong anak sa Quezon City nitong Biyernes nang gabi.

Ang biktima ay kinilala ni P/Captain Juan Mortel, ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (QCPD) na si Benito Torres Rodriguez, 69, ng #33 Virginia Drive, Jordan Valley, Brgy. Baesa, QC. Habang ang suspek na kanilang kapitbahay ay si Michael Estrada Rodriguez, 49, negosyante.

Sa inisyal na imbestigasyon ni P/SSgt. George Caculba ng CIDU-QCPD, ang krimen ay nangyari dakong alas-sais nang gabi (Mayo 10), sa harapan ng tahanan ng suspek.

Bago ang insidente, habang naglalakad umano ang biktima at anak niyang si Marvin Rodriguez ay napansin nitong tinitingnan sila ng masama ng suspek.
Dahil dito ay kinompronta ni Marvin ang suspek hanggang sa magtalo at magpambuno ang dalawa.

Agad namang umawat ang matandang Rodriguez subalit siya ang napagdiskitahan ng suspek at pinaghahataw ng tubo sa kaliwang bahagi ng katawan na ikinabagsak nito.

Mabilis na isinugod sa Pacific Global Medical Hospital si Mang Benito subalit binawian din ito ng buhay dakong alas-7:40 nang gabi.
Agad namang sumuko sa mga awtoridad ang suspek.