Isang anak umano ng alkalde at pitong iba pa ang inaresto sa buy-bust operation sa isang hotel sa Barangay Malabanias sa Angeles City kung saan nakumpiska ang nasa P1 milyong halaga ng mga party drug.

Ang mga suspek ay kinilalang sina Bernice Fabiosa, 21; Ma. Isabel Lawas, 19; Aileen Baldon, 23; Jamie Mendoza, 20; Jessa Scott, 19; Bernadeth Saavedra, 19; Gregorio Imperial, 26; at Sean Moreno, 42, na sinasabing anak ni Cagayan De Oro Mayor Oscar Moreno.

Sa ulat, nabatid na kinumpirma umano ng suspek na si Sean sa Public Information Officer ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office 3 na anak ito ng alkalde.

Ang grupo ay nadakip noong Hunyo 29 matapos silang makipagtransaksiyon para sa P200,000 na halaga ng DMT, isang uri ng party drug na hallucinogen.

Nag-ugat ang pagdakip sa isang buwang isinagawang surveillance at sa tulong na rin ng isang impormante.

Nakuha sa grupo ang tinatayang P1-milyong halaga ng mga party drug gaya ng 310 tabletas ng ecstasy; limang pirasong Dimethyl Tripticase (DMT); 100 piraso ng valium; tatlong plastic ng hinihinalang kush or hybrid marijuana; isang plastic na may tinatayang 0.75 gramo ng cocaine; at weighing scale.
Positibo din sa drug test ang ilan sa mga suspek kabilang si Moreno.
Ang mga suspek ay nakakulong ngayon sa PDEA Regional Office 3.