Anak ng ex-mayor, binalya sa slate

Matinding balyahan na ang nagaganap sa isang lungsod sa Metro Manila sa gitna ng malamig pero medyo mainit na takbo ng kampanya sa lokal na politika.

Nakarating kasi sa ating impormasyon na bagama’t mistulang magkakampi na ang mga dating magkakalaban na pamilya sa lungsod ay may laglagan nang nangyayari.

Sa bulong sa atin ng ating Amuyong, unti-unti na raw kasing inilalaglag sa kampanya ang isa sa mga konsehal ng kumakandidatong mayor.

Ang gusto raw kasi ng mayoralty bet ay ma­nguna sa mga mananalong konsehal ang kanyang anak subalit nakikitang sagabal ang konsehal na anak ng dating alkalde.

Kaya naman daw sa mga poster at iba pang campaign material ay bihara nang isinasama ang pangalan nito at laging ipinambubungad ang pangalan na ng anak ng mayoralty bet.

May nagbulong pa na may isang pagkakataon na binaklas ang poster ni Konsi at ipina­lit ang campaign material ng anak ng alkalde, sa property na pag-aari pa mismo ng kaanak ng konsehal.

Clue: Ang ating lugar na pinag-uusapan ay napapagitnaan ng tatlo pang lungsod at ang pangalan nito ay may letrang O as in Okay. (Dang Samson-Garcia)