Kahabag-habag ang sinapit ng dalagang anak ng isang overseas Filipino worker (OFW) na nagtamo ng 20 saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan at hinataw pa ng martilyo sa ulo ng kanyang kababata sa kanilang lugar sa Davao Occidental kamakailan.

Bangkay na nang matagpuan sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Mamacao, Santa Maria, Davao Occidental ang 18-anyos na biktima na kinilalang si Jane Masucol.

Nasakote naman ang suspek na kinilalang si Wangyo Tribunal na sinasabing kababata ng dalagang biktima.

Hinala ng pamil­ya ng dalaga na baka pinagtangkaan itong gahasain at posibleng nanlaban dahilan para mapatay ng suspek.

Gayunman, mariing itinanggi ng suspek na tinangka niyang gahasain ang kababata sa halip ay sinabi nito na gusto lamang sana niyang takutin ang dalaga.

Katuwiran ng suspek na nais lang niyang makaganti dahil tinutukso siyang magnanakaw ng manok ng biktima.

Patuloy pang iniim­bestigahan ng lokal na pulisya ang insidente pero inihayag na wala naman umanong pa­latandaan na ginahasa ang biktima.

Nabatid na walang ibang kasama sa kanilang bahay ang biktima nang mangyari ang pamamaslang.