Anak ng pinatay na OFW sa Cyprus hinahanap pa

Patuloy na hinahanap ng Cyprus Police ang anak ng isa sa dalawang Pinay na nagtatrabaho bilang mga household service worker sa nasabing bansa na nabiktima ng hinihinalang serial killer.

Ayon kay ACTS-OFW Party-list Rep. Aniceto Bertiz III, ang mga biktima ay sina Arian Palanas Lozano, 28, at Mary Rose Tiburcio, 38, na pawang nawawala simula noong 2018 at natagpuan sa isang abandonadong minahan na tinatayang may layong 20 milya mula sa Nicosia, capital ng Cyprus.

Nabatid na ang 6-taong gulang na anak ni Tiburcio ay kasama umano nito nang mawala pero hindi natagpuan sa nasabing minahan.

Isang Cyprus National Guard umano ang suspek sa serye ng pagpatay na umamin na sa pagpatay sa dalawang Pinay at limang iba pang dayuhang babae.

Naniniwala aniya pa umano ang pulisya na kasama sa limang biktima ang isa pang Pinay na si Maricar Valdez Arquiola, 30, na nawawala simula pa noong Disyembre 2017.

“The suspect apparently lured his victims through a popular online dating site. He also told the victims that he knew of better job prospects for them,” sabi ni Bertiz.

Nananawagan si Bertiz sa Department of Foreign Affairs at Department of Labor and Employment para sa repatriation ng mga labi ng mga biktima. (A.Cano)