Anak nina Marian-Dingdong nakakasindak

tonite-pak-allan-dionesPara sa amin ay ang 2-year-old daughter nina Dingdong Dantes at Marian Rivera na si Maria Letizia Dantes ang winner ng Best in Costume this Halloween 2018.

As in kinabog ng paslit na si Zia ang lahat ng mga celeb na nag-effort mag-costume ngayong Undas.

Waging-wagi ang bagets, na may kasamang akting ang mga pose at emote sa kamera bilang si Joker ng “The Dark Knight”.

Sobrang naaliw kami na walang kebs si Zia kahit lalaki ang ginaya niya at nakakatakot ang itsura niya. ‘Sabagay, sa costume party naman nila sa school na siya ang nanalo ay ganda-gandahan siya bilang Intergalactic Princess.

In fairness ay ganu’n ka-versatile si bagets sa edad niyang ‘yon, ha? Paano pa kaya ‘pag nagkaedad na siya? Kaya ang lakas ng dating ni Zia as Joker dahil sobrang in character talaga siya.

Actually, nagmukhang very tame ang madir at fadir niya sa tabi ni Zia dahil parehong malinis at maayos ang itsura nina Dong (bilang The Riddler) at Marian (bilang Poison Ivy) habang si bagets ay marungis at nakakasindak ang da­ting.

Paboritong superhero ni Dong si Batman kaya may konek pa rin dito ang napili nilang characters this year na pawang kalaban ng Caped Crusader.

Ang totoo ay mas panalo pa rin ‘yung Dantes League nila last year na naka-Batman si Dong, Catwoman si Marian at Batgirl si Zia.
May nakita kaming pic na si Marian ay nag-Poison Ivy na sa “Sunday PinaSaya” nu’ng 2015. Si Zia talaga ang nagdala this year.

Nakaka-amaze ang panganay ng DongYan na magti-3 years old pa lang sa November 23 ay kaya nang manggulat nang bonggang-bongga.
Maging si Regine Velasquez-Alcasid ay namangha sa itsura ni Zia at ni-repost pa nito sa Instagram ang isang Joker pic ni bagets.

Tawang-tawa kami sa caption dito ni Regine na, “OMG!!!!!! Akala ko in character na ‘yung anak kong puno!!!!! Zia you are sooooo cute!!!!!!”

In fairness ay kinarir din kasi ng anak nina Regine at Ogie na si Nate ang Halloween costume nito na isang puno, na kung tawagin ni Reg ay Bootree. Emote kung emote din si Boo habang nakasuot ng tree outfit kaya ang cute!
***

Angelica-Carlo nagkikiskisan ng ilong sa Japan

Ang rumored mag-sweetheart na sina Angelica Pa­nganiban at Carlo Aquino ay sa Japan magkasamang nag-celebrate ng Halloween.
Ang cute ng short video na pinost ni Angelica na nakamaskara sila pareho ni Carlo, tapos ay kunwaring nagki-kiss sila at nagkikiskisan ng mga ilong.

Kasama ng CarGel sa Japan ang close friends nilang sina Glaiza de Castro, Ketchup Eusebio, Direk Andoy Ranay and jowa, at si Cholo Barretto with girlfriend Ryza Cenon.

Iisa ang look ng kanilang squad, na nakapulang hoodie at may maskara ng Hapon na nakamulagat ang mata at may mahabang bigote.

Ang napabalitang nag-break na, pero very much together pa rin na sina Angel Locsin at Neil Arce ay sa Amerika sinalubong ang Halloween.
Naka-Daenerys Targaryen costume si Angel habang Jon Snow naman ang peg ni Neil, na parehong famous characters from “Game of Thrones”.
Si Vice Ganda ay reynang-reyna sa kanyang Queen of Wakanda costume. Ang karakter ni Angela Bassett sa “Black Panther” na si Ramonda ang peg ni Vice.

As usual ay sa Lan Kwai Fong sa Hong Kong sila nag-party ng kanyang buong tropa, na dinala niya pa talaga lahat doon sa HK.
“While others brought their costumes, I brought a tribe,” ang sey ni Vice sa kanyang IG post na isang malaking grupo silang nagpapiktyur sa may kalye.

Karir na karir ang African-inspired costumes ng squad ni Vice, na ka-join ang mga ka-close niyang miyembro ng Hashtags.
Ang ipinanganak ng Undas na si Coco Martin ay nagkaroon ng salubong birthday party nu’ng Halloween na dinaluhan ng mga kasamahan niya sa “FPJ’s Ang Probinsyano” at iba pang malalapit na kaibigan.