Anakalusugan: Layunin ng UHC, ‘wag sirain sa IRR

Nanawagan ang Anakalusugan party-list para sa mas transparent na pagbalangkas ng Implementing Rules and Regulations ng Universal Health Care Law.

Ayon kay Anakalusugan party-list nominee Mike Defensor, kailangang matiyak na ang layunin ng UHC na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi matunaw sa binubuong IRR.

“Hindi kaila sa ating lahat kung paanong galit na galit ang Pangulong Duterte sa mga nagwawaldas ng pera ng bayan. Katunayan, noong Hunyo 2018, sinibak ng Pangulo ang pinuno ng PhilHealth dahil sa mga alegasyon ng korupsyon,” ani Defensor.

“Kailangan tiyakin na ang mga kahinaan ng PhilHealth ay hindi na mauulit sa ilalim ng UHC. Ang Anakalusugan ang tatayong kakampi ng Pangulo at mata ng ordinaryong Pilipino na magbabantay sa tamang pagpapatupad ng batas na ito upang masiguro ang tunay na inclusive at universal na sistemang pangkalusugan,” dagdag pa niya.

Sinusuportahan ng Anakalusugan, ang nag-iisang party-list na may adbokasiyang pangkalusugan na tumatakbo sa May 13 na halalan, ang panawagan ni Health Secretary Francisco Duque na magkaroon ng “performance accountability” para masigurong hindi mawawaldas ang budget na nilaan para sa UHC.

“Aabot sa halos P257 bilyon ang budget para sa UHC na naglalayong mabigyan ng health coverage ang lahat ng Pilipino. Pinapalawak din ng batas ang coverage ng health care benefits sa ilalim ng National Health Insurance Program,” sabi ni Defensor.

“Hindi ito pwedeng maging isa na namang ‘missed opportunity’ para sa mga Pilipino. Babalikatin natin na ang mga nakasaad sa batas ay maipapatupad ng tama at maayos.”

Una nang sinuportahan ni senatorial candidate Doc. Willie Ong ang kampanya ng Anakalusugan party-list upang matiyak na may partner ang bawat Pilipino sa usaping pangkalusugan sa Kongreso.

“Kailangan natin ng partner sa House of Representatives na magbabalangkas ng mga batas na magsusulong at mangangalaga sa kapa-kanang pangkalusugan ng mga Pilipino. Tiyak ko na ang Anakalusugan party-list ang tamang partner natin,” ayon kay Doc Willie.