Isa na namang batas ang nakatakdang ipatupad ng Land Transportation Office (LTO) at ito ay ang Republic Act 10913 o ang ­Anti-Distracted Driving Act na nakatakdang ipatupad sa Mayo 18.

Sa ilalim ng batas na ipatutupad sa Mayo 18 matapos na mailathala ang implementing rules and regulation (IRR) ng RA 10913, ipagbabawal na ang paggamit ng cellular phone at iba pang communication gadgets habang nagmamaneho maliban na lamang kung hands-free.

Sa emergency cases maari namang gumamit ng cellular phones sa pagtawag sa pulisya, ospital, bumbero at iba pang katulad nito pero kailangang pumarada muna ang isang nagmamaneho ng sasakyan.

Bilang parusa ay papatawan sa unang paglabag ng multang P5,000, ang pangalawang paglabag naman ay P10,000 habang P15,000 sa ikatlong paglabag at suspensyon ng lisensya ng driver.

Ang mahuhuli naman sa ikaapat na beses ay papatawan ng P20,000 multa at pagbawi na sa bisa ng lisensya.

Medyo mabigat-bigat ang batas na ito kumpara sa ibang ipinatutupad nang batas.

Pero ang sa amin, napakarami na nating umiiral na batas, mula sa national hanggang sa mga lokal na ahensya ng ating gobyerno subalit wala pa ring pagbabago ang ilang driver.

Marami pa rin ang pasaway na nagreresulta ng madalas na aksidente at pagkadamay ng ilang inosente nating mga kababayan.

Maliban sa marami nang umiiral na batas ang malaking problema pa ay ang kabiguang ipatupad ang mga ito dahil sa kakapusan sa tauhan at kagamitang kailangan para ipatupad ang sangkatutak nang mga batas sa kalsada.

Kaya sana kaakibat ng pagpapasa ng mga batas ay paglaanan ng karampatang pondong kailangan ang LTO para maayos na ­maipatupad ang mga batas dahil mawawalan ito ng silbi kung wala namang magpapatupad at kung papaano ipatutupad.