Hindi saklaw si Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na mangampanya para sa kanilang mga kandidato sa halalan sa Mayo 13.

Sa panayam ng mga reporter matapos ang kanyang talumpati sa panunumpa ng mga miyembro ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) sa Malacañang nitong Biyernes, sinabi ng Pangulo na kailangan ang gabay ni Andanar sa PDP-Laban lalo pa’t ang ama nito ay isang original na miyembro ng partido.

“You know, ang tatay niyan si (Andanar’s father is) Wency. Wency is the original sa (in) PDP. That is why he was an exception. But the law says they can campaign. But Andanar, he’s an ideologue. His guidance is very important to all of the PDP members. He’s a son of one of the founding fathers of PDP-Laban,” paliwanag ng Pangulo.

Binigyang-diin muli ng Pangulo na hindi niya pinapayagang mangampanya ang iba pang opisyal ng gobyerno dahil ayaw niyang maging isyu ang paglustay ng pondo ng pamahalaan sa panahon ng kampanya.

“I did not allow the other members because they might be campaigning if they want to and they will be using government cars, government fuel. And I wanted to ­remove that kind of issue just to be fair,” ayon sa Pangulo.