Mariing pinabulaanan ng Malacañang ang mga ulat na lumabas sa ilang international media kung saan sinisi kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasara ng ABS-CBN.

Sa kanyang pahayag, tinawag ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na “totally unfair”, “objectionable”, at mali ang mga ulat na puwersahang sinara ang ABS-CBN dahil galit ang Pangulo sa naturang network.

Binigyang-diin ng kalihim na nagsara ang ABS-CBN dahil napaso na ang 25 taong prangkisa nito noong Mayo 4, Lunes kung kaya’t nag-isyu ng cease and desist order ang National Telecommunications Commission (NTC) dahil nagsasagawa pa ng operasyon ng network kahit expired na ang prangkisa nito.

Sabi ni Andanar, nasa Kongreso ang exclusive power para mag-isyu at mag-renew ng prangkisa at ang Pangulo naman ay lumalagda lamang sa batas para ipatupad ito.

“Decision regarding the legislative franchise of ABS-CBN falls within the purview and wisdom of Congress and ABS-CBN has the right to pursue any and exhaust all legal remedies it deems necessary to resolve the matter,” ayon kay Andanar.

Nilinaw din ni Andanar sa international media na ang pagpapasara sa ABS-CBN ay hindi usapin tungkol sa press freedom kundi dahil sa napaso na nitong prangkisa.

“Democracy, and the free press and free speech that come with it, is very much alive in the country and effectively protected,” he said.(Prince Golez)