Andanar sinabon ni Digong sa P60M Tulfo ad scandal

Hindi lang ang sinibak na Tourism Secretary Wanda Teo ang tinamaan ng galit ni Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte hinggil sa sumingaw na P60 milyong advertisement ng Department of Tourism (DOT) sa programa ng magkapatid na Tulfo sa PTV-4.

Ayon sa report ng politiko.com, pinagalitan din ni Pangulong Duterte si Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar dahil saklaw ng kanyang tanggapan ang operasyon ng nasabing government television network.

Nabatid na tinawagan muna ni Special Assistant to the President Bong Go si Andanar upang magpaliwanag kung bakit niya pinayagan ang ad deal ng DOT sa Kilos Pronto, ang blocktime program nina Ben at Erwin Tulfo sa PTV-4.

Sa gitna ng pag-uusap nina Go at Andanar, kinuha umano ng Pangulo ang cellphone at pinagalitan ang dating ­broadcast journalist kung bakit nakalusot sa PTV-4 ang deal nina Secretary Wanda Tulfo Teo sa kapatid niyang sina Ben at Erwin.

Naghugas-kamay pa umano si Andanar na hindi niya alam na may ikinasang ad deal ang magkapatid na Tulfo sa kanilang ate kaya’t lalong nagalit si Duterte sa PCOO chief.

Hindi naman nabanggit ng source ng politiko.com kung sinabihan din ng Pangulo si Andanar na mag-resign na sa trabaho tulad ng ginawa nito kay Teo.

Sinikap naman ng Tonite na hingan ng reaksyon si Andanar hinggil sa sinasabing pagsabon sa kanya ng Pangulo su­balit habang sinusulat ang balitang ito kagabi ay hindi pa nakukuha ang kanyang panig. ­(Reportorial Team)