Andaya hugas-kamay sa P16B pork, inginuso si Diokno

Mistulang naghugas-kamay si House Majority Leader at Camarines Sur Rep. Rolando Andaya sa isyu ng pork barrel na isinapin diumano ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa panukalang national budget para sa susunod na taon.

Ayon kay Andaya, walang papel ang mga mambabatas sa nire-align na P16 bilyong pondo ng 2019 natio­nal budget para sa mga local government unit (LGU).

Itinuro nito ang tanggapan ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Benjamin Diokno na siyang magtutukoy aniya kung kanino ibibigay ang pondo.

“Well, if you really want to be technical about it, that’s executive pork because that will fall completely under the control of the executive. That will fall under the control of the Secretary of DBM (Department of Budget and Management). Not under Congress because the guidelines on how, when, where it should be released will be determined by the DBM. Walang papel ang congressman. That is executive pork, if you want to be blunt about it,” paliwanag ni Andaya.

Sinabi pa ni Andaya na ang kakulangan ng pondo sa mga LGU ang nagbigay-daan sa realignment.

“Kami yung mga umiikot sa baba eh. Nakikita naman namin yung kundisyon ng mga bayan, ng mga barangay, ng mga probinsya, and kung papasa sila sa implemen­ting rules na ibibigay ng DBM para mabigyan sila ng additional na pondo para sa patubig, kalye, anupaman, so be it,” sabi ni Andaya.

Pero ang magdedesisyon aniya sa usapin na ito ay ang kalihim ng DBM. Hindi umano puwedeng magdesisyon at mag-request ang mga mambabatas dahil local government fund ito.

“May mga papel na hihingin dyan unang-unang ‘yung proyekto dapat aprubahan ng Sangguniang Bayan or Sangguniang Panlalawigan. Dadaan pa yan sa proseso ng DBM. So (DBM) Sec. (Benjamin) Diokno pa rin ang final say, hindi ang congressman.

These are meant for local government units na mag-apply dun sa implementing rules will be given out by the DBM. So it’s totally under their control. It’s a lump sum fund under their control,” dagdag na paliwanag ni Andaya.