Itinanggi ni Budget Secretary Benjamin Diokno ang mga bintang laban sa kanya ni Congressman Rolando Andaya Jr. kaugnay sa imbestigasyon ng House committee on rules sa Naga City sa umano’y lumobong 2019 proposed national budget.
Sinabi ni Diokno na walang batayan ang mga bintang ni Andaya at nag-iilusyon lamang ang kongresista.
Mali aniya ang mga inilatag na numero ni Andaya patungkol sa budget at kulang sa katotohanan.
“His accusations are illusory. The numbers are wrong and the narrative he’s selling is not grounded on facts,” ani Diokno.
Kaugnay sa bintang ni Andaya na may anomalya sa alokasyon ng pondo para sa flood control projects sa 2019 budget, sinabi ni Diokno na ang DPWH ang may breakdown sa mga proyekto sa bawat distrito bilang implementing agency at siya ring nagdedetermina ng project listings sa bawat rehiyon sa bansa.