Andray isinalba ni June Mar

Andray isinalba ni June Mar

Ayaw solohin ni Andray Blatche ang kredito sa 93-75 win ng Team Pilipinas kontra Kazakhs­tan sa huling laro sa final window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers noong Linggo sa Astana.

Sa kabayanihan ni Blatche, sa ikalawang sunod na pagkakataon ay biyaheng World Cup ang Pilipinas sa China sa Aug. 31-Sept. 15.

Pasabog si Blatche ng 41 points, 13 rebounds, 4 steals, 3 assists at 2 blocks sa loob ng 29 minutes.

Saludo si Blatche kay June Mar Fajardo na nag-step up mula third quarter nang matawagan ng fourth foul ang 6-foot-11 naturalized player.

“I got into foul trouble, and I want to tip my hat to June Mar. He came in and he was really the game changer for us and took over the team for us,” ani Blatche, 12 of 20 overall mula sa field, 5 for 10 sa 3-point range at 12 of 14 sa stripe.

Solidong 9 points, 7 rebounds ang kontribusyon ni Fajardo sa loob lang ng kulang 13 minutes. Limitado sa 3 minutes lang si Fajardo dahil sa lagnat sa 84-46 win ng Pilipinas sa Qatar noong Biyernes.

Habang wala sa loob si Blatche, rumesponde rin si Jayson Castro ng back-to-back 3s para salagin ang rally ng hosts. Tumapos si Castro ng 15 points mula sa perpek­tong 4 for 4 clip mula long range.

Nasilat ng Kazakhs ang Filipinos 92-88 noong Nov. 30 sa MOA Arena nang hindi maglaro si Blatche.

Hindi napigilan ang emosyon sa kagustuhang rumesbak, may gigil din ang mga bataan ni coach Yeng Guiao noong Linggo pero nakontrol.

“We had some minor speed bumps in the game like fouling, and being too emotional, but we stood to it,” panapos ni Blatche.