Andrea inangkin ni Seth

NI: VINIA VIVAR

May ibig sabihin pala ang “Ali” na tawagan nina Andrea Brillantes at Seth Fedelin. Ayon sa paliwanag ng young actor, ang ibig sabihin nito ay “akin lang ikaw.”

“Ako gusto ko makasama si Blythe, siyempre gusto ko magtagal ‘yung samahan namin so, aangkinin ko. Akin lang ikaw, di ba? Parang kung tamaan tayo ng lintek, tamaan,” pag-amin ni Seth sa online show ni Toni Gonzaga na I Feel You kung saan ay guests silang dalawa ni Andrea.

Ayon naman kay Andrea ay siya ang nakaisip ng “Ali”.

“Ako po actually ang nakapag-isip no’n. Nung una po talaga kasi may pagka-weirdo siya. So naisip ko alien tapos hinati ko, naging ali. Kapag magkasama kami, parang may sarili kaming mundo po,” sey ni Blyhe (real name ni Andrea)

Aminado rin ang dalawa na sobrang naninibago sila ngayong hindi na sila magkasama dahil nga sa quarantine.

Ang sweet nga ni Seth nang sabihin niyang mas tumitindi araw-araw ang pagkagusto niyang makasama si Andrea.

Halos umamin na rin ang dalawa na “more than friends” ang turingan nila.

“Para sa akin po kasi, si Seth very special sa akin. Bilang tao, sobrang hinahangaan ko siya. Bilang si Seth, mahal ko po ‘yung pagkatao niya. Gusto ko po siya suportahan at ‘pag narating niya ‘yung pangarap niya, gusto ko nandoon din ako,” ani Andrea.

Ang nakakatuwa, diniretso siya ni Seth na “so, may gusto ka pala sa akin?”

Sagot naman ni Andrea, “gusto ko ‘yung pagkatao mo, ‘wag ka masyadong mag-feeling diyan.”

Pero sey ni Seth, ganu’n din daw ‘yun. “Isa lang ‘yan, wala nang maraming ano, isa lang ‘yan, gusto mo ‘ko, ‘yun lang ‘yun.”

Natawa na lang si Andrea pero hindi nag-deny. Kaya tanong ni Toni kay Seth, “ikaw naman, Seth, gusto mo rin ba si Andrea?”

Sagot naman ni Seth, gusto raw niyang makasama pa nang matagal si Andrea pero at the same time ay alam din naman nila ang priority nila.

“Sa akin, alam ko kasi na sige ako kapag ako na-in love sa ‘yo at naisipan ko talagang kunin ka, gagawin ko kung naramdaman ko ‘yon. Pero ngayon siguro, wala pa sa isip naming dalawa ‘yun kasi may goal kami,” pahayag ni Seth.

Nang tanungin kung hindi ba mahirap mahalin si Andrea, ang bonggang sagot ni Seth, “mahirap, pero worth it.”

Si Toni ang kinilig sa sagot ni Seth.

Ayon pa kay Toni, obvious naman daw that the two young stars like each other pero may mga priorities pa nga lang ang mga ito sa ngayon.