NAGDALAWANG-ISIP ba si Andrea Torres na tanggapin ang Alyas Robin Hood 2 kung saan kapareha niyang muli si Dingdong Dantes?
“Ay, hindi po! Kasi, malaki ang naitulong sa akin ng show talaga,” pakli ng 27-anyos na Kapuso actress.
Kahit alam niya na puwede ulit siyang ma-bash nang todo dahil dito?
“Hindi ko na po iniisip ‘yon. Mas du’n ako sa positive. Sa mga blessing.”
Tiyak na mali-link na naman siya sa leading man niyang si Dong at baka may mga magreak na naman?
“Basta kami po, professional lang kami sa set. Hindi na rin kami nagpapaapekto sa mga isyu.”
Anong reaksyon niya sa hindi mamatay-matay na isyu na nagseselos sa kanya ang misis ni Dong na si Marian Rivera?
“Hindi ko nga po alam kung bakit nasasama pa ako sa ganu’ng isyu. Alam naman natin na happy family sila, ‘di ba?
“And I respect them, I respect the relationship. It’s just that, ‘yun ang role ko.
“Siyempre, kung anong hingin ng script, kung anong kailangang gawin ni Venus (karakter ni Andrea sa ARH), gagawin ko.
“Kasi, ito ‘yung work ko, eh. Wala ako sa posisyon para mag-demand.
“Kasi, sinasabi nila na, ‘Dapat hindi ka pumayag na ganito. Dapat sinabi mo ang ganito.’ Wala ako sa posisyon na gawin ‘yon.
“Siyempre, kung ano ‘yung nakalagay du’n sa script, ‘yun ang gagawin ko.
“Kahit na may fear of heights ako or may fear ako sa tubig, ‘pag sinabi du’n na kailangan kong gawin, gagawin ko talaga.
“Kaya nu’ng Season 1, nag-fight scene kami sa bubong, wala akong nagawa. Ha! Ha! Ha!” tawa niya.
Meron ba talagang dahilan para magselos sa kanya si Marian?
“Wala, wala po. And I’m sure, hindi naman siya nagseselos. Kasi, happy family naman sila.”
So, okey silang dalawa ni Marian?
“Okey po kami. I repect her. Always naman.”
Sa totoong buhay, kaya niya bang pumatol sa isang lalaking may asawa?
“Siyempre, hindi. I believe in karma and may takot din ako sa Diyos. At ang kasal, sagrado ‘yan.”
Eh paano kung nainlab na siya du’n sa married man?
“Hindi pa rin puwede. Dapat, hindi ka na dumating sa point na ‘yon. Once na nalaman mo na ang tao may asawa, dapat off-limits ka na.
“Bad ‘yon!” sambit ni Andrea, na as usual ay nagmumura ang dibdib sa presscon ng ARH.
***
Malalim ang rason kaya kumalas si Andrea sa dati niyang management company na All Access to Artists (AAA).
Ayaw sabihin ni Andrea ang dahilan, basta nakapagpaalam daw siya nang maayos sa AAA.
“Nakakaiyak din, kasi ang tagal ko rin sa kanila, eh. 7 years yata, parang gano’n. Matagal din talaga. Lumaki na ako sa kanila,” bulalas ni Andrea.
Para bigla siyang umalis sa poder ng AAA na pitong taon hinawakan ang career niya, ibig sabihin ay mabigat ang dahilan?
“Basta po ano, mahirap ‘yung desisyon. Hindi siya overnight. Siyempre, pinag-isipan ko, pinagdasal ko, kinonsulta ko rin sa mga magulang ko.
“Ang importante sa akin, ang sabi nila na huwag mag-burn ng bridges. So, at least, na-achieve naman ‘yon. Wala namang samaan ng loob.
“At saka na-explain ko lahat, nasabi ko lahat ng gusto kong sabihin (kina Rams David at Mr. Tony Tuviera).”
Sey ni Andrea, nagkita sila nina Rams at Mr. T sa kasal nina Rochelle Pangilinan at Arthur Solinap sa Tagaytay nu’ng Martes at normal naman sila.
Every time na nakikita niya ang mga ito ay nagha-hug pa rin sila at nakakapag-small talk.
Since July ay exclusive na si Andrea sa GMA Artist Center.
Sa Lunes (August 14) na ang pagbabalik ng Alyas Robin Hood sa GMA Telebabad kapalit ng My Love From The Star.