Andrea umiyak sa Diyos na walang pera

Nagkaiyakan kahapon sa finale presscon ng serye nina Seth Fedelin, Andrea Brillantes, Dimples Romana at Beauty Gonzales.

Para kay Andrea, answered prayer daw sa kanya ang naturang serye dahil dumating ito sa buhay niya na wala na siyang pera dahil ilang months na siyang walang project.

That time ay sobrang empty raw niya dahil kailangan niya ng pera at wala siyang raket or show. Being the breadwinner of the family ay kailangan talaga niyang kumita ng pera.

Timing pa na bina-bash siya that time dahil sa pagiging fan niya ng South Korean boy band na BTS. Bukod dito ay nakaramdam din daw siya ng inggit kapag napapanood ang K-group na mag-perform dahil gusto rin daw niyang mag-perform.

“Tapos, lumuhod pa talaga ako, umiiyak ako, ‘naku, Lord, please, sana bigyan N’yo ako ng chance,’” kuwento pa ni Andrea.

Dahil daw sa serye ay nagkaroon din siya ng maraming endorsement at nasimulan na niya ang pagpapatayo ng dream house na ngayon ay malapit na raw matapos.

“Sa April na po matatapos,” she said.

Ayon naman kay Seth, sobrang laki raw ng naitulong sa kanya ng kanilang serye.

“Sobrang malaki po ang binago sa buhay ng pamilya ko. Sobrang dami pong natulungan kaya hindi ko makakalimutan ‘to,” sey ni Seth.

Sobrang thankful ang young actor sa ABS-CBN, sa mga direktor at sa mga co-stars na napakarami raw naituro sa kanya at bibitbitin daw niya ito as he goes along after the series.

Tulad ni Blythe (Andrea), sagot din daw sa panalangin ni Dimples ang naturang show dahil bago raw ito in-offer sa kanya, sinabi raw niya kay Lord na “Lord, kung saan Mo ako dadalhin, susunod lang ako sa ‘Yo.”

Si Beauty naman ay umaming bago siya maka-show sa Dos ay muntik na siyang lumipat sa kabilang network.

“Muntik na akong naki-fiesta sa kapitbahay natin. Pero mas masarap pa rin ang pagkain sa ABS-CBN. So, bumalik po ako dito at kailangan kong patunayan ang sarili ko na hindi ko na kailangang magbayad ng writer para humaba ‘yung linya ko. Patunayan ko sa sarili ko na deserving ako kung nasaan ako ngayon,” sey ni Beauty.

Umamin din ang aktres na anorexic daw siya nang simulan niya ang show.

“I was 100 lbs. I’m the healthiest I’ve been now in my life,” umiiyak na sabi ni Beauty.

Bukod dito ay naging Best Actress din si Beauty sa Eduk Circle Award para sa nasabing serye.

***

Boss Vic ‘di lugi kahit flop ang movie

Fresh from the astounding success of Metro Manila Film Festival 2019 entry, “Miracle in Cell No. 7”, ang saya ng atmosphere sa Viva Vision 2020 presscon na ginanap last Tuesday night sa Novotel Hotel. Ang nasabing event ay thanksgiving na rin ng Viva Films kasabay ng announcement ng mga plano ng produksyon for 2020 kasama na ang mga pelikulang nakatakda nilang ipalabas.

For this year ay 34 pelikula ang naka-line up nilang i-release, both original and adaptation with a total of 1 billion budget.

Ilan sa mga movies na ito ay ang “Pedro Penduko” ni Matteo Guidicelli, “A Hard Day” ni Dingdong Dantes, “Spellbound” nina Marco Gumabao and Bela Padilla, “Untrue” ni Xian Lim and Cristine Reyes at marami pang iba. Ayon sa mga bosses ng Viva na sina Boss Vic and Vincent del Rosario, 15 out of 34 films ay tapos na nilang gawin.

Sobrang thankful ni Boss Vic at ng kanyang mga anak sa malaking tagumpay na tinamo ng MMFF 2019 movie nila na “Miracle in Cell No. 7” na pinagbidahan ni Aga Muhlach and in fact, hanggang ngayon ay kumikita pa rin ito sa ibang bansa.

To date ay umabot na sa P500M ang gross ng movie nationwide at hindi pa kasama ang ibang bansa.

Aminado si Vincent na hindi nila ine-expect na magna-number one ito sa box-office dahil sa opening day ay No. 2 na again ay hindi rin nila inasahan dahil ang estimation nga raw nila ay No. 4 ito sa opening day since malalakas ang tatlong kalaban lalo na nga ang pelikula ni Vice Ganda.

But it’s also important to note na co-producer din naman ang Viva Films sa movie ni Vice Ganda kaya nilinaw nga ni Boss Vic na for the record ay 7 years na silang No. 1 since kabakas nga sila lagi sa MMFF entry ng nasabing komedyante.

Aminado rin naman si Boss Vic na hindi naman lahat ng pelikula ng Viva ay kumikita. Aniya ay timing-timing lang daw talaga, may panahong suwerte at may panahong malas.

“Ang sabi ko nga kay Vincent, ang importante rito, you will have more hits than flops, kasi kasama ang flop, eh,” ani Boss Vic.

Inamin din niya na nasasaktan siya kapag nasusulat na nilalangaw ang kanyang pelikula at kahit kanino namang producer daw ay masakit ito.

“Sasabihin ng mga reporter kalimitan, imbes na uplift ang cinema, ‘nilalangaw ang pelikula ni gano’n’. ‘Di ba? Siyempre, sa aming producer, masakit, pero kasama ‘yung flop,” he said.

Ang hindi raw naiintindihan ng iba, kahit flop ang movie nila halimbawa sa sinehan, kumikita pa rin ito sa ibang platform like streaming applications, TV rights, etcetera. Kaya hindi rin daw talaga masasabing nalugi sila.