Andres Bonifacio sa makabagong panahon, meron pa ba?

Katatapos lamang ng paggunita sa ika-156 taong kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio o ang Bonifacio Day na isang pista opisyal sa buong bansa.

Pero ilan kaya sa mahigit isang daang milyong Pilipino ang nakakaalam sa buhay ni Gat Andres na tinaguriang ‘Father of the Philippine Revolution’?

Ano ba ang ipinag­laban nito para sa mga Pilipino at ano ang naiambag sa bansa? Marahil hindi alam ng millenials kung ano ang mga dahilan ng sakripisyo ng mga magigiting na Pilipino noong sinakop ng mga dayuhan ang Pilipinas.

Ginising ni Bonifacio ang kamalayan ng mga Pilipino para ipag­laban ang karapatan at ipag­laban ang bansa laban sa mga mananakop. Patriotism, nationa­lism. Mayroon kaya nito ang mga bagong henerasyon?

Mayroon pa kayang mga Pilipino sa kasalukuyang panahon na handang ipaglaban ang bansa laban sa kapakanan ng kapwa Pilipino?

Bagama’t hindi na mga dayuhang mananakop ang kalaban ngayon ng bansa, tila nawala na ang malasakit sa mga Pilipino.

Ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte, ang kalaban na ngayon ng mga Pilipino sa makabagong panahon ay ang iligal na droga, kriminalidad, korapsyon, terorismo, kahirapan, pagkasira ng kalikasan at iba pang sakit sa lipunan na nagiging balakid sa pag-unlad.

Oo nga’t may mga ahensiyang nakatoka para harapin at lutasin ang mga problemang ito, walang iisang boses ng pagkakaisa at sa halip ay mas marami pa ang tila anay na kumokontra at humuhusga sa mga ginagawa ng gobyerno.
Ang masakit nito, ilang mga halal na opisyal pa ang u­nang nang­huhusga at pumupuna sa ha­ngarin ng gobyerno na malutas ang mga problemang ito na itinuturing na mga salot sa lipunan.

Ayaw ko namang isiping naglaho na ang dugong Andres Bonifacio, marahil mayroon pang mga Pilipinong may malasakit sa ba­yan, subalit maliit ang boses kaya hindi napapansin o pinapansin ng mamamayan.

Walang ibang makakalutas sa problema ng bansa at mga Pilipino kundi ang mga Pilipino rin kaya gising na, at tulungan ang bansa!