Sa kontrobersyang kinakaharap ngayon ni Sen. ­Vicente “Tito” Sotto III, mukhang natatabunan na ang giyera sa pagitan nina House Speaker ­Pantaleon ­Alvarez at ang ex-BFF niyang si Davao del Norte Rep. Antonio Floirendo Jr.

Kung tutuusin, mas malala pa ang ginawa ng mga babaerong kongresista kung ikukumpara kay Sen. ­Sotto. Si Senador, nagbiro lang naman siya para mapagaan ang diskusyon ng Commission on ­Appointments (CA) sa ad interim appointment ni DSWD ­Secretary ­Judy Taguiwalo habang itong si Speaker, hindi lang sa ­salita siya magaspang dahil pati na ang kanyang private life, nakakaloka to the max.

Hindi ba’t katakut-takot na panlalait ang ibinato nito kay Sen. Leila de Lima, hindi man lang iginalang ang inter-parliamentary courtesy. Pati na ang mga kaalyado nito, nakisakay na rin sa bashing kay de Lima kung saan pinaglaruan nila sa hearing ang umano’y sex video ng senadora sa dati niyang driver na si Ronnie Dayan.

Subalit nang magkagalit sina Alvarez at Floirendo, nabunyag na ang pinagsimulan nito ay nang mag-away ang kani-kanilang girlfriend noong nakaraang taon na sina Jennifer Maliwanag Vicencio at Cathy Binag.

Nagkaroon tuloy ngayon ng “payback time” si de Lima nang banatan niya si Alvarez na tigilan na ang paghuhusga tungkol sa kanyang katauhan. Para bang pinararating ng senadora na ang Speaker ang huling nilalang sa bansa na may karapatang pumuna sa kanyang katauhan matapos na mabunyag ang current girlfriend ng Speaker at pagkaroon ng anak sa iba’t-ibang babae.

Nalagay tuloy sa balag ng alanganin si Speaker nang magbanta ang ilang kongresista na posible itong ma-disbar. May kapangyarihan ang Supreme Court (SC) na i-disbar ang mga abugado na may extra-marital affair. Naging matapang pa si Speaker nang magsabi na “if someone wants to disbar me for having a girlfriend, go ahead and file a complaint. Maybe there will be no lawyers left”.

Be careful what you wish for dahil baka may kakambal ni Gina Lopez ang biglang lumutang at ipursige ang pag-disbar kay congressman.

Isa sa nakatawag pansin ay itong agarang paglalabas ng statement ng Gabriela Women’s Party kung saan hinihingi nila ang apology ni Sotto dahil sa “ano” remark nito sa single parent na si Taguiwalo.

Hindi naman sa ipinagtatanggol natin si Sotto, pero kapuna-puna ang bilis ng Gabriela sa pagbatikos sa senador. Yun bang hindi pa nga dumidighay sa pagkain sa pananghalian ang ilang CA members, aba’y may statement na agad sila.

Pero nung binibira ni Pangulong Duterte si Sen. de Lima at pinagpipiyestahan ang umano’y sex video nito, gayundin ang ginagawang pambabastos nito sa mga kababaihan, tahimik lang ang Gabriela.

Malaki kasi ang utang na loob nila sa Pangulo dahil sa naluklok sa puwesto ang kapartido nitong si Liza Maza bilang lead convenor ng National Anti-Poverty Commission (NAPC). Kaya naman pala!