Dear Kuya Rom,

Tatlong taon ko siyang nakasama sa trabaho. Maa­yos siyang magpaganda ng mukha, mahusay magdala ng damit, laging mabango, matino at matalinong kausap, masipag sa trabaho at magaling humawak ng pera.

Hanga ako sa kanya talaga. Nang magtrabaho ako sa ibang kumpanya, niligawan ko siya. Isang taon na kaming kasal ngayon, at may isang anak.

Sa positive side, nakikita ko ang sipag niya sa pag-aasikaso sa bahay at sa anak namin. Magaling siyang mag-manage ng pera, na kung ako lang ay mawawaldas lahat.

Pero habang tumatagal, naiinis ako sa kanya. Kasi ­nakikita ko ang negative side niya. Kapag nasa bahay siya, hindi maayos ang kanyang mukha, magulo ang buhok, ­parang pulubi sa pananamit, amoy pawis, at hindi nagpa­pabango.

Ito ba ang babaeng pinakasalan ko? Nakakainis ba talaga ang buhay ng may asawa? Wala siyang oras para sa akin, mangangaliwa na lang ba ako? — Gino

Dear Gino,

Ang inis ay walang magagawang solusyon sa problema. Madalas, ang inis ay nauuwi sa galit, at ang galit ay sisira sa relasyon ng mag-asawa. Alisin mo ang inis. Palitan mo ito ng pang-unawa.

Isang taon pa lamang kayo. Unawain mo na ang ­adjustment period para sa bagong kasal ay aabot sa pitong taon.

May pag-ibig na bigyan mo siya ng panahon para matutunan niya ang maging isang ulirang asawa.

Dahil nakasama mo siya sa trabaho, nakita mo ang maganda niyang pagkatao, at ito ang nagtulak sa iyo para ligawan siya.

Pinakasalan mo siya na may mataas kang pagtingin sa kanya at umaasang magiging mabuti­ ­siyang asawa.

May high expectations ka sa kanya. Kaya’t tanu­ngin mo ang iyong sarili: Pinakasalan mo ba siya nang dahil sa pag-ibig at mahal mo siya, o dahil sa high ­expectations mo kanya?

Ang pagkakaroon ng high expectations sa asawa mo ay hindi maganda, sapagkat tao lamang siya, hindi siya superwoman, hindi siya perpekto, may kahinaan siya, at nagkakamali rin siya.

Kapag hindi niya maabot ang high expectations mo, maiinis ka sa kanya. Ibig sabihin, ang high expectations mo ang dahilan ng pagkainis mo, ­hindi ang asawa mo.

Ang puwede mong gawin: Babaan mo ang expectations mo sa kanya, ang mga bagay na inaasahan mo sa kanya.

Sa ganitong paraan, binibigyan mo siya ng pagkakataong maging tao. Matuwa ka sa kanya dahil mahal­ mo siya, hindi dahil sa expectations mo sa kanya.

Sa ­bandang huli, lalo kang matutuwa kapag nagawa niya ang mga mabuting bagay na hindi mo inaasahan.

Bilang lalaki, ikaw ang gagabay sa kanya. Kailangan niya ng gabay na puno ng pag-ibig. Halimbawa, tulu­ngan mo siya sa mga gawaing bahay para matapos agad at magkaroon kayo ng oras sa isa’t isa.

Samahan mo siya sa paliligo, para hindi siya maging amoy mabaho. Piliin mo ang damit na isusuot niya sa bahay na komportable, maganda sa kanya at maganda sa iyong paningin.

Dala­ngin kong magiging maligaya ka sa resulta. God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom