Ang bagong mukha ng Boracay

Julius Segovia

julius-segoviaNasa Boracay ako noong isang taon isang araw bago ito pansa­mantalang ipasara para sa 6-month rehabilitation program.

Pribilehiyo namang makabalik ako sa isla anim na buwan mula nang muli itong buksan sa mga tu­rista noong Oktubre. Sa parehong pagkakataon, naimbitahan akong magbigay ng broadcasting lecture sa mga school paper adviser at campus journalists na lumahok sa 14th Word Cup Journalism Workshops and Contests.

#BetterBoracay ang nakabalandrang hashtag sa mga poster at tarpaulin na nakapaskil sa isla. Malaki ang pagbabago mula nang isailalim ito sa rehabilitation. Kitang malayo na sa pampang ang mga establisyimento.

Malinis din ang tubig-dagat. Hindi gaya noon na namumutakti sa lumot.
Kapansin-pansin ding disiplinado ang mga turista. Walang makikitang kalat sa isla. Bukod sa maraming basurahan, tumataginting na P2,500 ang multa sa mahuhuling nagkakalat. Kaya siguro wala nang nangangahas na magpasaway.

Bawal din ang yosi at alak malapit sa dagat. Pero sa mga bar at restaurant, puwede ito. Pati mga alagang hayop, ba­wal sa pampang. Ang nakalulungkot, bawal din ang commercial sandca­stles at fire dancing na dinarayo pa naman ng mga turista para sa picture ta­king. Bagay na ikinalungkot din ng mga residente roon. Kahit papaano’y kumikita raw sila sa mga nagpapagawa ng sandcastle.

Ayon kay Dr. Al Orolfo, Deputy Ground Commander, DENR National Taskforce Boracay, seryoso sila sa rehabilitation program ng isla. Katunayan, hanggang Abril 2020 ang kanilang action plan para muling maibalik ang sigla at ganda ng Boracay.

Kabilang na rito ang mahigpit na proseso sa pagkuha ng permits para makapagnegosyo sa isla. Wala raw sasantuhin ang taskforce. Kamakailan lang, may siyam na Chinese establishments ang ipinasara nila dahil hindi compliant sa mga hinihinging requisitos ng lokal na pamahalaan.

Talagang #BetterBoracay dahil nangako rin si Orolfo na bibigyang-pansin nila ang pagpapalakas ng internet connection sa isla. Sa apat na araw na pamamalagi ko sa isla, medyo mahirap humanap ng signal. Marahil sa dami na rin ng mga turista.

Good thing din ang new measures na ipinatutupad nila sa port bago ka makapunta sa isla. Hihi­ngan ka muna ng accommodation voucher na katibayang may resort o hotel kang matutuluyan sa isla. Sa ganitong paraan, namomonitor nila ang dami ng tao sa Boracay.

‘Yun nga lang, hindi pa rin nawawala ang fixers. Sayang lang dahil wala na akong pagkaka­taong makapagsumbong. Inalok kami ng P250 na all-in pabalik ng Caticlan airport. Dahil malakas ang ulan noong umuwi kami, kinagat na namin ang alok. Na-realize na lang namin na dapat P125 lang ang bayad pa­balik sa airport mula sa isla. Ang ibang bayarin kasi gaya ng environmental fee, pagpasok lang ng isla babayaran. Kung pa­labas ka na, wala na.

Sabi mismo ni Orolfo, huwag matakot o mahiyang magreklamo. Hinikayat niya ang mga turista na maging tourist police. Kung may alam daw na pangingikil o pang-aabuso, agad ipagbigay-alam sa local police o sinuman sa taskforce.
Ang sa akin lang, sini­mulan na nang gobyernong i-rehabilitate ang Boracay.

Makibahagi naman tayo bilang mga responsableng mamamayan. Sundin kung ano ang mga patakarang itinatakda sa isla para ang susunod na hene­rasyon, maabutan pa ang taglay nitong ganda at sigla.