Ang BFF kong si Elsa

Happy Easter mga PETmalu!

Alam niyo po, bata pa lang ako, mahilig na ako sa mga hayop. Daga, ahas, insekto, paniki, kahit ano pang hayop ang pinag-uusapan, interesado ako. Naniniwala kasi ako na lahat ng nilalang ng Poong Maykapal ay may purpose kahit hindi natin naiintindihan.

Naaalaala ko po ang aking unang alaga na pinulot ko lang sa daan. Pusa na orange. Pinangalanan ko siyang Elsa hango sa karakter ni Elsa the Lioness sa pelikulang Born Free na sumikat noong 60s. Dahil wala akong kaibigan sa eskwelahan noon, si Elsa ang naging best friend at kalaro ko.

Nagkaroon din ako ng isang cute na hamster! Inilagay ko siya sa isang espesyal na kulungan na binili sa America ng aking ama. Ito ay may malaking running wheel kung saan siya tumatakbo. Dahil nocturnal ang hamster, sa gabi lang siya gising kaya madalas ako naging puyat noon.

Mayroon din ako ng mga aso – sina Gigolo, Brandy at Whiskey. Pag may mga nam-bubully sa akin, tinatahulan nila! Hinahabol pa! Hindi ko po alam kung paano nila na-sense na binu-bully ako. Basta, ipinaglalaban nila ako. Doon ko po naramdaman na talagang sila ay “man’s best friend”.

Ngayong Easter, sana ma-realize natin na may kahalagahan ang bawat hayop. Sa Bibliya, ang orihinal na tirahan natin ay kasama ng mga hayop sa Garden of Eden! Sa Genesis 2:19 dinala pa ng Diyos ang mga hayop kay Adan para mapangalanan niya ang bawat isa. Kitang-kita natin ang kalooban ng Diyos – ang mapayapang pagsasama ng tao at hayop sa kalikasan.

Huwag din nating kalimutan ang Noah’s Ark. Hindi lang ang pamilya ni Noah ang iniligtas ng Panginoon sa delubyo kundi pati ang mga hayop. Sa tutoo lang, karamihan ng mga pasahero ng ark ay hindi tao kundi mga hayop, diba?

Mahalaga talaga ang mga hayop sa Diyos. In fact, ang tawag kay Hesus sa Revelation 5:5 ay “Lion of Judah” at sa John 1:29, “Lamb of God” o “Cordero ng Diyos”. Kaya madalas natin naririnig na “Jesus is the Lion and the Lamb.” Siya ang matapang na leon na lumalaban para sa mga nananampalataya sa kaniya at siya din ang sinakripisyong cordero na nagaalis ng kasalanan ng sanglibutan.

Sana po itong Linggo ng Pagkabuhay ni Hesus, ibulsa natin sa ating mga puso ang mga saloobin na ito at sikapin nating maging mas mabuti at mas maalaga sa ating mga pets!
Nagmamahal,
Joyce