Dear Kuya Rom,

Ikinasal kami noong isang taon. Siya ay 20, ako 30. Malapit na ang birthday ko, at may plano si misis na mag-overnight kami sa beach.

Ang sabi niya, ang regalo niya sa akin ay isang babae. Gusto raw niyang panoorin akong ­nakikipagtalik sa iba. Katuwaan lang daw ito, parang maglalaro lang kaming tatlo.

Kinontra ko siya. Hindi ako papayag na maging laruan ako. Gusto kong maging tapat sa aming relasyon. Kaso, nagtatampo siya. Gusto raw lang niyang makitang maligaya ako.

Kahit malaki ang age gap namin, maligaya kaming nagsasama. Pero hindi lang ako nakatuon sa kasalukuyan ­kundi sa kinabukasan. Gusto kong magkaanak kami. Nangangarap akong ng isang habang buhay na ligaya sa piling ng ­aking pamilya.

Kuya, just call me Ding. Ayaw kong sumama ang loob niya. Anong gagawin ko? Paano ko makukumbinse siyang ang buhay ay hindi isang bagay na pinaglalaruan? — Ding

Dear Ding,

Mukhang ang gap ninyong dalawa ay hindi sa age ­lamang kundi sa values din. Malaki ang agwat ninyo, hindi sa edad lamang kundi sa mga bagay na pinahahalaga­han ninyo.

Importante sa dalawang pusong nagmamahalan, bago sila ikasal, maging malinaw sa kanila ang mga bagay na mahalaga at magkaisa sila sa pagbibigay ng importansiya sa mga ito.

Kapag hindi ito malinaw at walang pagkakaisa sila rito, at itinuloy ang kasal, magkakaroon sila ng problema. Ito ngayon ang nangyayari sa inyong mag-asawa.

Ikaw ay matino ang pag-iisip, samantalang ang misis mo ay batang-isip. Ang iniisip mo ay para sa kinabukasan at katapatan, samantalang ang isip niya ay nasa kasalukuyan at laruan.

Ang gusto niya ay pantasya sa sex, samantalang ang gusto mo ay simpleng kaligayahan at magkaanak kayo.

Anong gagawin? Mabuting basahin mo ang Biblia. Dito ka magkakaroon ng tunay na pagkikala sa Diyos. Personal na lumapit ka kay Jesus, manalig ka sa Kanya, sundin mo ang Kanyang Salita, gawin mong Panginoon Siya ng iyong buhay.

Ang Biblia ay Salita ng Diyos. Ito ay magbibigay ng gabay sa atin dito sa mundo upang maging maayos at ­maligaya ang ating buhay. Mula rito, matututunan ninyong dalawa­ ang magkaroon ng matibay na relasyon na magbibigay ng karangalan sa Diyos at ligaya sa inyong mag-asawa: Ang lalaki ay magmamahal sa kanyang misis, at ang babae ay gagalang at magpapasakop sa kanyang mister.

Ding, ikaw ay pinuno ng pamilya. Ang misis mo ay mahalagang sumunod sa gusto mong mangyari sa inyong pamilya bilang paggalang sa iyo. May pag-ibig na pasala­matan mo siya sa regalo niya sa iyo sa birthday mo, pero hindi nararapat na babae ang regalo.

Humingi ka ng tawad in advance sapagkat hindi mo siya pagbibigyan sa gusto niya. Ang pagpapatawad ay mag-aalis ng sama ng loob.

May pagmamahal at pasensiyang ipaliwanag mo sa kanya na kayo ay may sumpaang maging tapat sa isa’t isa ­bilang mag-asawa, at ang iniisip niyang pakikipagtalik mo sa ibang babae ay isang uri ng pagtataksil at paglabag sa inyong sumpaan ng isang banal at malinis na pag-iibigan. Akayin mo siya sa Diyos at magkakaroon kayo ng buhay na ganap at kasiya-siya. May God bless you both and your marriage!

Payong kapatid,

Kuya Rom