Ang dami nang narating ng gown ko – Kim

Tinawanan lang ni Kim Chiu ang mga meme sa kanyang gown sa nakaraang ABS-CBN Ball. Naging katatawanan ang viral photo sa kanyang gown na ginawang wrapper ng shawarma, shuttlecock, ginawang table napkin at bouquet of flowers.

May joke pa na nakakagutom umano ang gown ni Kim dahil ginawang shawarma. Ano raw ‘yun pork, chicken o beef? Nagmukha ring lumpiang sariwa.

“Ang dami na narating ng gown ko!!” reaksyon niya sa kanyang IG story.

“Haha hihi might as well watch my latest vlog tonight to know the story behind the gown and my road to ABS-CBN Ball 2019,” dagdag pa niya.

Trending din ang video ni Kim na binuhat ni Xian Lim dahil hirap na hirap na siyang maglakad. Kitang-kita rin na pawisan na siya. Tiis-ganda tuloy ang nangyari. Nagusot tuloy ang barong ni Xi.

May mga naawa ring netizen kay Kim dahil nagbayad na nga sa gown, pinaglaruan pa at naging fashion victim.

Talbog!

Kim-Shayne isasabong sa Andrea-Seth

May makakalaban na raw ang love team nina Andrea Brillantes at Seth Fedelin ng Kapamilya. Ito’y sina Kim De Leon at Shayne Sava na naging “Starstruck 7” Ultimate Male and Female Survivors. Bagay raw na pagtambalin ng Kapuso network ang dalawa.

Si Kim, 19, ng Batangas ay nagpapasalamat kay God at sa network for allowing him to pursue his dream. “Hanggang ngayon parang naririnig ko pa rin nu’ng ina-announce ‘yung pangalan ko. Masayang-masaya po ako at nagpapasalamat ako sa Diyos dahil tinupad niya ang pangarap ko, pati po sa GMA at sa ‘Starstruck.’”

Ganoon din ang 17-year-old na si Shayne ng Rizal.

“Parang nasa alapaap pa rin po ako, hindi ako makapaniwala na ako ‘yung Ultimate Female Survivor. Sobrang saya, sobrang blessed, sobrang thankful ko po talaga sa lahat ng tumulong sa akin, sa pamilya ko at sa mga kaibigan ko. Kung wala po sila, wala ako dito ngayon at para po sa kanila ito,” aniya.

Tumanggap sina Kim at Shayne ng one million pesos in cash, a house and lot, at GMA-7 management contract worth five-million pesos.

Abangan na lang kung makaka-survive ang dalawa at posibleng itapat sa mga love team sa Dos.

Karl loyal sa Clique V

Soon ay magiging Kapuso na rin ang “Starstruck” Avenger na si Karl Aquino. Balitang pipirma na siya ng kontrata kasama ang kapatid niya sa 3:16 Events and Talent Management Company na si Gelo Alagban. Gagawing Kapuso stars ang Top 16 na pumasok sa naturang artista search. Limang taon daw ang pipirmahan nilang contract.

“Hindi pa po kami nag contract signing, inaayos pa po. Nag-meeting lang po,” sey niya nang i-chat namin.

“Masaya kasi magiging Kapuso na po ako hehe,” sey pa niya.

Marami na ang nag-congrats kay Karl sa kanyang Facebook account nang magpakuha siya ng photo na ang background ay logo ng GMA-7.

Si Karl ay miyembro ng Clique V. Masaya ang kanilang manager na si Len Carrillo dahil nandiyan pa rin ang loyalty niya sa grupo.

Sey ni Karl, mas masaya ang Clique V dahil disiplinado ang mga naiwan gaya nina Marco, Sean, Karl at ang new generation member na sina Kaizer, Daniel at Gelo.

Nagiging abala ang grupo sa pagpe-perform sa charity works at feeding program ng komedyanteng si Diego. Pati na rin sa kanilang mga campus tour.