Ang Davao noong unang panahon

Sa mga paglalakbay ko sa iba’t lugar sa Pilipinas, napansin kong tulad sa Cebu, Zamboanga, Cagayan de Oro at Vigan, madaling natatanghal ang kanilang turismong pangkasaysayan.

Pero hindi gaanong napag-uusapan ang kasaysayan sa Davao. Pa­libhasa ang emphasis lagi ng marami ay ang mga nangyari sa mga nakaraang dekada lamang.

Buti na lang at may mga katulad ni Dr. Macario D. Tiu na nagmalasakit sa kasaysayan ng Davao at isinulat ang aklat na ‘Davao: Reconstuc­ting History from Text and Memory’. Mula dito malalaman natin na ang pinagmulan ng pangalan ng Davao ay mula sa katawagan ng mga katutubo dito: ‘dabu’ (Tagabawa o Bagobo), ‘davoh’ (Obos o Manobo) at ‘duhwow’ (Giangan o Klatas) na ang kahulugan ay ‘sa ibayo ng matataas na lugar’ dahil nakapalibot sa Davao ang mga burol ng Buhangin, Magtuod, Maa at Matina.

Sa matagal na panahon ang namayani sa Davao ay ang mga katutubo natin. May natagpuang mga kasangkapang bato sa isla ng Talikud na napetsahan na mula pa noong 2,700 BC. May mga natagpuan ding mga libingang banga sa lugar na katulad ng Sa-Huyn-Kalanay Potter Tradition na makikita rin sa Visayas at Palawan.

Pinamunuan din ang lugar ng Sultanato ng Buayan sa Maguindanao. Ayon sa mga dokumentong Olandes, nakikipagkalakalan sa kanila ang mga datu ng Dabu.

Para palawakin ang kanyang negosyo, isang Basco, si Juan Oya­nguren, ang tumungo sa Davao upang sakupin ito sa tulong ng iba pang mga grupo sa paligid sa pangakong hindi sila bubuwisan. Natalo nila si Datu Bago na walang naging laban ang kanilang mga lantaka laban sa mga malalaking kanyon ng mga Espanyol.

Pinangalanan niya ang kanyang nasasakupan na nakasentro sa Davao na Nueva Guipuzcoa (mula sa pa­ngalan ng pinagmulang lalawigan ni Oyanguren). Ngunit nanindigan ang mga tagaroon na tawagin pa ring Dabao ang lugar kaya nabura rin sa mukha ng mundo ang pangalang Nueva Guipuzcoa. Ang pangunahing kalsada sa Davao, ang Magsaysay Avenue, ay dating O­yanguren.

Ang mga Espanyol sa Davao ang Reduccion, ang pag-aayos ng bayan/pueblo. Ang mga sulat ng mga Paring Heswita ang nagtataglay ng mga tala sa mga panahong iyon. Nang marinig ang pagdating ng mga Amerikano sa Maynila, nag-alsa sa Baganga ang pinuno ng mga di­siplinarios, si Prudencio Garcia.

Sa panahon ng mga Amerikano, simula 1903, dahil sa mga plantasyon ng abaca, nakilala ang Davao bilang tirahan ng mara­ming Hapones na sa pagdating ng panahon magmamay-ari na rin ng mga plantasyon na ito.
Tinawag ito ng iba na ‘Davaokuo’. Nagdati­ngan din ang ibang mga Pilipino lalo na ang mga Cebuano.

Noong May 1, 1945, naganap dito ang isa sa pinakamadugong labanan sa Pilipinas noong World War 2, ang Battle of Ising, kung saan lumaban ang ating mga beterano hanggang kamatayan at wala raw nakapasok na Hapon sa bayan na iyon.