Ang gandang hinahanap

Payong Kapatid Kuya Rom

Dear Kuya Rom,

Ako at ang girlfriend ko ay may pangarap. Pero perfectionist ako. Nang makilala ko ang isang babae, natagpuan ko ang perpektong gandang hinahanap ko. Kaya nakipag-break ako sa girlfriend ko.

Nakaka-in love siya talaga. Siya ang babaeng gusto kong makasama habang buhay. Isang taon na kaming nagkikita, pero wala kaming relationship. Ang dahilan, mayroon siyang boyfriend, at apat na taon na silang may relasyon.

Ayon sa kanya, mas madalas siyang nakikipagkita sa akin at bihira lang sa kanyang boyfriend. Sabi niya, parang nahuhulog ang loob niya sa akin. Hinihintay ko siyang kumilos at kumalas siya sa kanyang boyfriend, pero hindi niya ginagawa.

Ang kuwento niya, gusto ng boyfriend niyang magpakasal na sila, pero bago ang kasal, may isang arrangement. Malaking issue ito sa kanila. Gusto ng boyfriend niya na kapag mag-asawa na sila, ihihinto na niya ang suporta sa kanyang pamilya. Hindi niya ito magagawa, sapagkat mahal niya ang kanyang mga magulang.

Para sa akin, hindi ito problema. Kaya sana kami na lang ang magkatuluyan at magpakasal. Pero hindi naman siya nakikipag-break sa kanyang boyfriend.

Walang katiyakan ang gusto kong mangyari. Patuloy ba akong maghihintay? — Arnel

Dear Arnel,

Ang babaeng nakilala mo ay may boyfriend na at ikakasal na. Ang madalas na pakikipagkita niya sa iyo ay isang uri ng pagtataksil. Hindi siya tapat sa lala­king karelasyon niya. Ito ba ang klase ng babaeng gusto mong makasama habang buhay?

Siya ay apat na taong may relasyon sa kanyang boyfriend. Ang haba ng panahon ng kanilang relasyon ay nagsasabing nagmamahalan silang dalawa. Ang kanilang pag-uusap tungkol sa kanilang kasal ay nagpapakitang tunay ang kanilang pag-iibigan.

Lawakan mo ang iyong pang-unawa. Hindi ba maliwanag na may nagmamay-ari na ng kanyang puso nang makilala mo siya, at kung siya man ang babaeng hinahanap mo, hindi mo na siya maaangkin sapagkat ikaw ay huli na?

Kung may issue man ang dalawa, gusot nila ito. Hayaan mong sila ang umayos nito. Hindi ikaw ang solus­yon sa kanilang problema.

May sarili kang problema — ito ay para matagpuan ang gandang hinahanap mo o bumalik ka sa girlfriend mo, humingi ka ng tawad, at pagtibayin ang inyong relasyon.

Walang taong perpekto, kaya hindi perpekto ang pagkatao ng girlfriend mo. Pero maaaring umunlad ang kanyang pagkatao sa tulong mo. Maaaring may pagkukulang ang girlfriend mo, pero mapupunuan ito sa pamamagitan mo. Ang babaeng nagmamahal sa iyo ay siya; ibigin mo siya nang tapat, pagtuunan mo siya ng pansin, at bigyan mo siya ng panahon upang bumukadkad ang gandang hinahanap mo.

Manalig kayong dalawa sa Dios. Pagpapalain Niya kayo. Sa Kanya, mararanasan ninyo ang ganda ng buhay na higit pa sa inyong pinapangarap. May God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom