Tumatayo naman bilang Director ng grupo si Alvin Kyle Constantino, ang 37-anyos na reserve officer ng Philippine Air Force (PAF) na hindi lamang ang dedikasyon sa Diyos ang pangunahing layunin kundi ang pagkakaloob ng proteksiyon sa mga mahihina at maralita sa pamamagitan ng pagsasagawa ng medical mission, relief at rescue operations, pati na ang pagpapaigting sa kampanya ng kapulisan laban sa lahat ng uri ng krimen.

Pinagkalooban din sila ng pahintulot at akreditasyon ng Philippine National Police (PNP) bilang katuwang sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan at papahintulutang sumama sa pagpapatrulya bilang mga force multipliers.

Ang kanilang tanggapan na nagsisilbing tahanan ng mahigit 4,000 miyembro ay ipinagkaloob ng mga pamilya ni Constantino na may sapat namang kakayahang pinansiyal lalo na’t marami silang ari-arian na pinauupahan.

Sa katunayan, tumutulong pa ang mga magulang ni Constantino sa mga gastusin ng samahan lalo na’t hindi naman sapat ang kanilang pondo na nagmumula sa donasyon ng bawat chapter at paminsan-minsang pagsasagawa ng fund-raising campaign.

Dahil maka-Diyos at maka-tao ang layunin ng grupo, lumobo ang bilang ng kanilang miyembro sa iba’t ibang panig ng bansa at lalo pang naging popular ang samahan nang lantaran nilang suportahan ang kandidatura ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa katunayan, kabilang ang grupo ni Constantino sa nagpakalat ng mga marshals nang magsagawa ng political rally noon si Pangulong Duterte sa Luneta at nagtayo rin sila sa lugar ng mga medical units na aayuda sa mga makakaranas ng pagkahilo o anumang disgrasya.

Kabilang sa mga pinagkalooban ni Constantino ng akreditasyon ang Confederate Sentinels Group (CSG) Tondo Chapter 2 kung saan tumayo bilang pinuno si Ricardo Villamonte na kilala sa bansag na “Commander Maning.”

Tinanggap ni Constantino ang pagbuo ng Tondo Chapter 2 ng CSG batay na rin sa naging rekomendasyon ng isang kaibigang police official na nakakakilala sa kakayanan ni Villamonte upang pamunuan ang grupong makakatulong sa layunin ng grupo.

Buo ang tiwala ni Constantino na magiging produktibo, legal at maayos ang magiging patakbo ni Villamonte sa kanyang grupo sa Tondo sa ilalim ng binuo niyang samahan lalo na’t isang opisyal ng kapulisan na may pinangangalagaang pangalan at dangal ang nagrekomenda at namili ng mga magiging kasabi ng CSG Tondo Chapter 2.

Nagpadala pa ng mensahe ng kanyang pagbati si Constantino nang magtayo ng kanilang sariling outpost sa ilalim ng overpass ng Road 10 si Villamonte na tinawag pa niyang CSG Eagle Base Sattellite.

Enero 2, 2017, dakong alas-12:30 ng makapananghali nang magtungo sa Del Pan Police Community Precinct (PCP) si Barangay Chairman Arnel “Bong” Arce ng Barangay 20 Zone 2 District 1 ng Tondo upang ipagbigay-alam ang pagkakatagpo sa bangkay ng isang binatilyong lumulutang sa Manila Bay.