Matunog na matunog aniya ang balita sa kanilang lugar na ang anak niya ang isusunod na ‘ililigpit’ ng grupo na kinabibilangan nina Marco Morallos, alyas ‘Naldo’, Samuel Murillo alyas ‘Joel’, Alfredo Jr Alejan alyas ‘Jun’, Ricardo Villamonte alias ‘Kumander Maning’, Barangay Kagawad Michael Sibucao alyas ‘Boss Michael’ at isang alyas ‘Onic’ na pawang mga miyembro ng grupo na kung tawagin ay Confederation Sentinel Group (CSG) Inc. Tondo Chapter 2 na aniya ay kinatatakutan sa kanilang lugar dahil sila ang grupo na laban sa droga at mga krimnal.
Nang matagpuan aniya ang bangkay ng kanilang anak na si Charlie noong Enero 2, lagi na silang tinatakot at pinagbabantaan ng grupo kaya’t ipinasiya na lamang nilang lumayo at lumipat ng tirahan hanggang palihim silang nagbalik noong gabi ng Pebrero 7 para kuhanin ang natitira pa nilang gamit sa kanilang bahay at dito na sila pinagmumura at tinakot ng grupo.
Sa salaysay naman ng 14-anyos na anak ni Aling Cristina na si Eximila sa harap ni Senior Insp. Neil De Castro, sinabi niya na noong Enero 1, dakong alas-singko ng hapon, isang araw bago natagpuan ang bangkay ng kanyang kuyang si Charlie, puwersahang kinuha nina Naldo Morallos, Joel Marillo, Ricardo Villamonte at Manuel Murillo ang kanyang kapatid sa Capulong Street at kinaladkad papasok sa outpost ng CSG sa kanto ng Capulong at Road 10.
Sinabihan umano siya ni Naldo Morallos na umuwi na at huwag nang hintayin pa ang kanyang kapatid dahil bahala na sila rito, hanggang mabalitaan na lamang nila na lumutang na sa dagat ng Isla Puting Bato ang kanyang kuya kinabukasan.
Pebrero 8, 2017, isang araw matapos makapagbigay ng sinumpaang salaysay ang mag-inang Cristina at Eximila kaugnay sa pagpatay kay Charlie Saladaga, binuo ni MPD Director Chief Supt. Joel ‘Jigs’ Napoleon Coronel ang isang team na kinabibilangan ng Special Reaction Unit (SRU) District Police Intelligence Operation Unit (DPIOU) at Crimes Against Person Investigation Section na pamumunuan nina Chief Insp. Rosalino Ibay at Senior Insp. Fernildo De Castro na magsasagawa ng pag-TUGIS sa mga miyembro ng CSG na hinihinalang sangkot sa krimen.
Dakong alas-6:30 ng gabi nang lumusob ang grupo ng kapulisan, kasama si Aling Cristina, sa Building 22 Temporary Housing sa Vitas Tondo upang tugisin ang mga pinaghihinalaang salarin.
Sa sinumpaang affidavit of apprehension nina SPO1 Clint Perry Quiambao at PO3 Eugene Morales ng DPIOU, sa isang pasilyo ng Building 22 nila nakita ang isa sa mga suspek na si Manuel Murillo alyas ‘Joel’, 33, residente ng 358 St. Peter St. Tondo habang naglalakad na may dalang sling bag.